Humuhupa na ang selebrasyon ng Los Angeles Lakers at pati mga magugulo nilang mga fans. Nilalasap ni Kobe Bryant ang kalayaan niya mula sa anino ni Shaquille O’Neal. Nakuha rin ni Phil Jackson ang kanyang ikasampung kampeonato bilang head coach, pinakamarami sa kasaysayan ng NBA. Dinaig niya ang siyam na titulo ni Red Auerbach ng Boston Celtics.
Haharapin ngayon ng Lakers ang masarap na bakasyon, pero sabay pag-iisipan kung ano ang gagawin nila para sa kinabukasan ng prangkisa. Isang taon na lamang ang nalalabi sa kontrata ni Jackson.
Tapos na ang kontrata ni Trevor Ariza at Lamar Odom, na kapwa malaki ang inambag sa Finals. May balitang tatanggap ng mas maliit na sahod si Odom para lang di umalis sa LA. Ang tanong ay kung tototohanin niya.
At paano kung mapilitan silang pumili sa dalawa.
Kumakalat din ang balitang lilipat si Shaq sa Cleveland. Pero sa ngayon, wala pang linaw ito. Parang desperado si O’Neal na mapansin uli. Wala siyang nagawa sa Phoenix at lalong wala siyang magagawa sa Cleveland kung di siya magpakundisyon ng husto.
Sa susunod na taon, kung mapanatiling buo ang Lakers, mahihirapan ang mga ibang koponan na talunin sila. Kung susuriin natin ngayon, habang wala pang pagbabagong nagaganap, sa East, halos Boston lang at Cleveland talaga ang may panama sa Lakers. Kung malusog ang Celtics at makakuha ng power forward, pati Cleveland, baka hindi magtagal sa kanila.
Kung Orlando naman ang titingnan natin, dalawa ang kailangang mangyari.
Una, kailangang matuto ni Dwight Howard ng iba-ibang galaw, tulad ng maikling jump shot, up and under, at iba-ibang hook shot. Pangalawa, kailangan nila ng tunay na power forward, para tumulong sa rebound.
Bugbog sa LA si Howard sa dami ng malalaki na umiiskor. Kailangan niya ng tulong.
Sa West, humihina ang San Antonio Spurs, at maaa-ring gawan na ng pagbabago. Di na kaya ni Tim Duncan na bitbitin ang koponan. Panahon nang ipasa niya kay Tony Parker ang pangunguna sa team. Ang tanong pansamantala ay kung ano ang ipapamasak-butas ng Spurs.
Sa panig naman ng Houston Rockets, ang tanong ay kung pananatiliin pang magkasama si Yao Ming at Tracy McGrady. Bagamat nakapagtala sila ng 22 sunod na panalo noong isang taon, tila hindi epektibo ang kombinasyon nilang dalawa.
Ang New Orleans Hornets ang pinakamalaking katanu-ngan, dahil inakala ng marami na tutuloy sila sa Finals, pero naudlot na naman.
Papanatiliin pa ba nila ang grupo, o magpapalit?
Marami pang mangyayari.