Isa pang Pinoy magtatangkang umeksena sa mundo ng boxing
MANILA, Philippines - Matapos si Rodel Mayol, isa pang Filipino fighter ang magtatangkang makagawa ng eksena sa world boxing scene.
Nakatakdang labanan ni Filipino boxing prospect Fernando Lumacad si Mexican boxing legend Jorge “Travieso” Arce para sa World Boxing Association (WBA) International super flyweight title sa Hunyo 27 sa Boardwalk Hall sa Atlantic City, New Jersey.
Ibabandera ng pambato ng Digos City na si Lumacad ang 19-1-2 win-loss-draw ring record kasama ang 7 KOs, habang dala naman ni Arce ang 51-5-1 (39 KOs).
Ito ang unang laban ng 29-anyos na si Arce matapos ma-talo kay Armenian Vic Darchinyan noong Pebrero 7 nang itigil ni referee Raul Caiz, Jr. ang salpukan sa 11th-round dahil sa sugat sa magkabilang mata ng Mexican.
Sa naturang unification fight kay Darchinyan nawala kay Arce ang dating suot na World Boxing Association (WBA) super flyweight title.
“We are all doing our best to keep Fernando relaxed and focused, and we will keep our focus on him for the next several days until he enters the ring,” ani American Boxing Academy (ABA) founder Ken Smith na siyang manager ng 23-anyos na si Lumacad.
Ang Lumacad-Arce international super flyweight fight ay orihinal na nakaiskedyul sa Hunyo 20 ngunit inilipat sa Hunyo 27 dahilan sa pagkakaroon ng hand injury ni World Boxing Organizaiton (WBO) bantamweight king Fernando Montiel ng Mexico.
Ang WBO bantamweight belt na idedepensa ni Montiel kay Eric Morel ay binakante ni Gerry “Fearless” Peñalosa sa paghahamon kay Puerto Rican WBO super bantamweight ruler Juan Manuel Lopez.
Tinalo ni Lopez ang 36-anyos na si Peñalosa noong Abril matapos itigil ni trainer Freddie Roach ang laban sa 11th-round. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending