Wala pang opisyal na bilang ng mga Pinoy sa Laos SEAG
MANILA, Philippines – Hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring maibigay na opisyal na bilang ng delegasyon ang Philippine Olympic Committee (POC) para sa 25th Southeast Asian Games.
Sinabi kahapon ni RP Chef De Mission Mario Tanchangco ng sepak takraw na ang POC lamang ang tanging makakapaglabas ng official line-up para sa nasabing biennial event.
“We don’t know yet. We don’t know the number yet,” ani Tanchangco sa lingguhang PSA sports forum sa Shakey’s UN Avenue na suportado ng PAGCOR at Outlast Battery.
Nakatakda ang deadline para sa pagsusumite ng pangalan ng mga atleta sa Setyembre.
Ang tanging sigurado lamang sa 2009 Laos SEA Games, ayon kay Tanchangco, ay ang mga petsa at lugar ng kompetisyon at ang 25 na bilang ng sports discipline bukod pa ang demonstration sport na soft tennis.
Kabuuang 391 gold medals ang nakataya sa naturang SEA Games sa Disyembre.
Nagpasa na si Tanchangco ng bilang na 300 para sa delegasyon ng bansa sa Laos.
“If we use the criteria of gold and silver medallists in the last SEA Games then we will send 150 athletes but if we include the bronze medalists then it’s 300 plus around 50 officials,” wika ni Tanchangco.
Nakuha ng bansa ang kauna-unahang overall title sa SEA Games sa 2005 Philippine edition bago nahulog sa sixth place sa Thailand noong 2007.
“We must remember that in Thailand we won 92 silver medals and 42 of them came when we faced Thailand in the finals’ depensa ni Tanchangco. “We could have finished No. 2 or even No. 1 there.” (RC)
- Latest
- Trending