Para matuloy na ang Pacquiao-Cotto fight: Hatian sa premyo na lang ang pag-uusapan
MANILA, Philippines – Sa pagpayag nina Filipino boxing superstar Manny Pacquiao at Puerto Rican world welterweight champion Miguel Cotto, ilang detalye na lamang ang paplantsahin ni Bob Arum ng Top Rank Promotions.
Itinakda na ni Arum sa Nobyembre 14 ang naturang Pacquiao-Cotto megafight sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada.
“I hope to put it together this week, to get an agreement on terms,” wika ni Arum kahapon sa panayam ng Los Angeles Times mula sa Top Rank headquarters sa Las Vegas.
Ayon kay Arum, ang isyu sa weight division at purse split ang prayoridad sa nasabing negosasyon sa pagitan ng mga kampo nina Pacquiao at Cotto.
Ang 30-anyos na si Pacquiao ang bagong International Boxing Organization (IBO) light welterweight champion matapos talunin si Ricky Hatton via second-round TKO noong Mayo 3 sa MGM Grand.
Napanatili naman ng 28-anyos na si Cotto ang kanyang World Boxing Organization (WBO) welterweight crown makaraang umiskor ng isang split decision kay Joshua Clottey noong Linggo sa Madison Square Garden.
Tangan ni Pacquiao, ang tanging Asian fighter na naghari sa limang magkakaibang weight classes, ang 49-3-2 win-loss-draw ring record kasama ang 37 KOs, habang may 34-1-0 (27 KOs) card si Cotto.
Bago pa man pumayag si Cotto, pumayag na si Sugar Shane Mosley sa 40-60 percentage split para makalaban si Pacquiao bukod pa ang pagtataya ng kanyang World Boxing Association (WBA) welterweight belt.
“Shane’s a terrific fighter, but for now he’s the second choice,” sabi ni Arum sa 37-anyos na si Mosley na tinalo ni Cotto via split decision noong 2007. “If we can’t put together a Pacquiao-Cotto fight, we’ll reach out to Shane.”
Itinutulak rin ng Golden Boy Promotions ang Mosley-Pacquiao fight bunga ng malalim na sugat sa kaliwang kilay ni Cotto sa kanyang laban kay Clottey.
“Cotto has a deep cut, Shane’s ready to go,” ani Golden Boy Chief Executive Officer (CEO) Richard Schaefer. “Sugar Shane Mosley is the best fighter in that division. He can punch more, he has more speed. Shane really wants this fight and is willing to make concessions. This is the fight people want.”
Si Mosley ang umagaw sa WBA weltertweight title ni Mexican Antonio Margarito, nasa bakuran ng Top Rank, nitong taon. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending