Grabe ang laro ng San Sebastian at University of Santo Tomas sa Game Two ng kanilang best-of-three finals series ng Shakey’s V-League.
Unang nagwagi ang Lady Stags at humirit naman ng do-or-die ang UST noong Linggo.
Kaya asahan ang maigting na labanan ngayon kung saan titulo ang tangka ng dalawang magaling na koponan.
Sa laban na ito, malaki ang maitutulong ng liga sa dalawang koponan. Ang San Sebastian sa NCAA at Tigresses naman sa UAAP.
Malapit na ring magbukas ang mga ligang ito kaya tiyak, silang dalawa ang babantayan ng ibang koponan sa kani-kanilang school league.
Malaki talaga ang naitutulong ng Shakey’s V-League sa mga school teams, at ito ay ang experience na higit na nagpapalakas at bukod sa nagsisilbing training ground ng mga koponan.
Sana tumagal ang ligang ito dahil marami pa silang matutulungan--hindi lamang team kundi mismong mga players.
***
Kung pag tagal ang pag-uusapan, tatagal ang V-League sa suportang manggagaling sa mga kompanyang hanggang sa kasalukuyan ay hindi bumibitiw sa kanila. Tulad ng Shakey’s Pizza, na matagal na nilang kapartner. Naririyan din ang Accel Mikasa, Mighty Bond at OraCare.
Pero higit sa lahat malaki ang suporta sa pagpasok ng Cherifer.
May magandang kinabukasan ang liga dahil sa suporta ng mga isponsor nilang ito at inaasahang dadami pa o madadagdagan ang mga isponsor sa paglipas ng panahon. Hindi natin masasabi baka sa susunod na season, ang ika-7th mas marami na ang isponsor at magkanya-kanyang team na sususoptahan tulad ng OraCare kung saan ang Ateneo ang kanilang team. Para bang PBA o PBL na sa susunod ang ligang ito.
At hindi naman malayong mangyari!
Kaya naman laking pasasalamat ng mga taong nasa likuran ng V-League na sina Moying Martelino, Ricky Palou, Rhea Navarro at lahat ng miyembro ng Sports Vision, sa kanilang mga isponsor.
***
Ipinaaabot namin ang aming pakikidalamhati sa pamilya ni Tito Douglas Quijano na yumao noong Sabado.Nakilala namin si Tito Douglas dahil sa kanyang mga alagang sina Richard Gomez at Joey Marquez na malapit sa amin.
May you rest in peace!