Boxer, ipapadala ng PSC sa China
MANILA, Philippines - Nagboluntaryo si Philippine Sports Commission (PSC) chairman Harry Angping na tulungan ang Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) para sa isang one-month training ng mga atleta nito sa China.
Ito ang sinabi kahapon ni ABAP executive director Ed Piczon matapos ang kanilang pag-uusap ni Angping bago bumiyahe ang PSC chief patungong China.
“Sabi ni chairman sa akin may kakausapin siyang sports official sa China para makapag-training ‘yung ibang amateur boxers natin doon,” wika ni Piczon kay Angping.
Pinag-iisipan rin ni ABAP president Ricky Vargas na magpadala ng ilang amateur pugs sa Cuba para magsanay ng halos isang buwan.
Kasabay nito, hiningi rin ni Vargas kay Piczon ang mga international tournaments na sasalihan ng mga amateur pugs bago ang 25th Southeast Asian Games sa Laos sa Disyembre.
Isa sa mga ito, ayon kay Piczon, ay ang mabigat na 2009 World Boxing Championships sa Milan, Italy na nakatakda sa Agosto 30 hanggang Setyembre 6.
“Pagbalik nila dito from their respective training in China and Cuba, maglalaban-laban sila. Then we will evaluate kung sino ang ipapadala natin sa World Championships sa Milan, Italy at sa Southeast Asian Games sa Laos,” ani Piczon.
Isang gintong medalya lamang ang naiuwi ng ABAP mula kay Annie Albania sa nakaraang 2007 Thailand SEA Games matapos iprotesta ang sinasabing ‘bias officiating’ sa men at women’s boxing competition. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending