Burger King vs San Miguel Beer
MANILA, Philippines - Nanalasa ng husto ang Burger King at igupo ang Sta. Lucia Realty, 120-72 upang isaayos ang semifinal showdown kontra sa San Miguel Beer sa Motolite PBA Fiesta Conference sa Araneta Coliseum kagabi.
Nangailangan ang lahat ng Whoppers na makaiskor ng malaki sa first quarter kung saan sumiklab si Gary David sa pag-iskor ng unang pitong puntos ng laban tungo sa paglobo sa 16 point na bentahe sa pagtatapos ng unang ba-hagi ng laban na kanilang naipreserba patungo sa tagumpay.
Nagpakawala ng tatlong triples si David para sa team high na 19 puntos habang sinuportahan ito nina Arwin Santos ng 15 puntos at mga reserves na sina Cholo Villanueva, Aaron Aban at Carlo Sharma ng tig-12 puntos bawat isa na nagselyo sa best-of-seven semifinals showdown laban sa Beermen na magsisimula sa Miyerkules.
“The key is we have a good start, our starters had a good job of setting the tone, the guys coming off the bench then picked it up from there,” wika ni BK coach Yeng Guiao, ang gumiya sa RP team na nagwalis ng korona sa SEABA championship sa Medan, Indonesia noong nakaraang Linggo kung saan tinalo nila ang mga kalaban ng may average na 38 puntos.
“My coaching staff did a good job keeping the guys sharp while I’m away,” patungkol ni Guiao sa kanyang mga assistants na sina Junel Baculi at Johnny Tam, na pumuno sa kanyang posisyon sa kanyang pagkawala.
Ang 48 puntos na pananalasa ay kauna-unahan sa kanilang winning franchise.
Ito ang pinakamalaking winning margins para sa Bert Lina-owned club sapul nang igupo nila ang Barangay Ginebra, 124-90, noong nakaraang taon sa Game Two ng Fiesta Conference Finals.
Nalasap din ng Sta. Lucia ang pinakamasamang kabiguan sapul nang malasap nila ang 79-114 pagka-talo sa kamay ng Red Bull, na dating hawak ni Guiao, sa naturang conference din, may dalawang taon na ang nakakalipas.
Ito rin ang pinakalopsi-ded na laro sapul nang hiyain ng Alaska Milk ang Tanduay, 119-71 sa laban para sa ikatlong puwesto sa 2000 Commissioner’s Cup.
Malaking kawalan para sa Realtors ang hindi paglalaro nina reigning MVP Kelly Williams at Ryan Reyes.
Halos isang buwan ng hindi naglalaro si Williams sanhi ng naiibang blood disorder, habang hindi naman naglaro si Reyes, dahil sa hamstring injury na tinamo sa Medan.
Samantala, kasaluku-yang naglalaban naman ang Rain or Shine at Purefoods para sa isa pang slot sa semis habang sinusulat ang balitang ito.
- Latest
- Trending