MANILA, Philippines - Sa pangunguna nina Youth Bowler Collins Jose at nang nagbabalik na si Cecilia Yap, naiangat nila ang bansa at pangunahan nila ang men’s at ladies Class O Masters qualifiers ng 38th Philippines International Open Tenpin Bowling Championship sa Paeng’s Midtown, Robinson’s Place, Malate, Manila noong Biyernes.
Kumana ng 1,420 pinfalls sa loob ng six-game series, naungusan ni Asian Schools Championships bronze medalist Collins Jose ang puntos na naipagulong ni Biboy Rivera (1,417).
Agad ding sinundan ni Richie Poblete, 2006 world masters champion, ang marka na pumangatlo sa ranking (1,407) ng local pool ng event na handog ng University of Perpetual Help System, Department of Tourism, Amway Philippines, Philippine Sports Commission, Chowking, Colgate-Palmolive, The City Bowling Shop, USAct, Pearl Garden Hotel, Nestle Philippines, Paeng’s Midtown Bowl, Goldbridge at Pan Pacific Manila.
Pumasok rin sa eksena ang four time World Cup titlist at international Hall of Famer na si Paeng Nepomuceno na bumandersa ng PBC-Prima-Nutralite sa qualifying event para sa Open masters finals na lumagay sa ikasiyam na pwesto, tangan ang 1,372 sa kegfest na organisado ng Philippine Bowling Congress at kinikilala ng World Tenpin Bowling Association at Asian Bowling Federation.
Habang umiskor ng perpektong marka si Wu Shiu Hong ng Hong Kong upang pangunahan ang Overseas pool na may 1,504, at sinusundan ni Kuwait’s Rakan Al Amiri (1,438) at isa pang Hong Kong kegler na si Wicky Yeung (1,422) sa ikatlo.
Sa kabilang dako, napagwagian ni Yap ang tatlong gintong medalya kasama si Liza Del Rosario at Liza Clutario sa 2003 World Championships na lumimbag ng six-game series na 1,357 para ibulsa ang No.1 ranking sa ladies’ Class O Masters para patalsikin at ilagay sa ikalawang pwesto si Lara Posadas. (Sarie Nerine Francisco)