MANILA, Philippines - Sisimulan ng Philippine Center for Sports Medicine (PCSM) ang pagpapalabas ng intensive information campaign kaugnay sa nakamamatay na influenza A(H1N1) virus sa mga kawani ng Philippine Sports Commission (PSC), national athletes at sports officials.
Ito ang sinabi ni PCSM physician Dr. Raul Alcantara kaugnay sa kanilang aksyon sa paglaban sa lumalaganap na A(H1N1) virus sa buong mundo.
“Should there be cases of fever, we will strictly enforce quarantine until we are sure that affected individuals are free from the virus which is not as deadly as the dreaded dengue fever,” ani Alcantara.
Nakatakdang magbigay ang PCSM ng flu shots para sa Philippine delegation na magtutungo sa first Asian Youth Games sa Singapore ngayong Hunyo.
Gagastos ang sports commission ng P700 sa bawat flu vaccination sa mga atleta, ayon kay chairman Harry Angping.
“We’re spending at least P700 per member of the delegation but its all worth it since it will ensure their safety,” wika ni Angping sa magiging gastusin ng PSC.
Bumili ang PSC ng mga N95 masks at ipinamigay na sa PCSM personnel na siyang nakakalapit sa mga atletang nanggaling sa international events.
Kabilang sa mga national athletes na dumating sa bansa ay ang koponan ng athletics, table tennis, weightlifting at taekwondo.
Ang A(H1N1) virus na tinawag ring ‘swine flu’ ay nakaapekto na sa 74 bansa kung saan 111 na ang naitalang kaso sa Pilipinas, ayon sa World Health Organization (WHO). (Russell Cadayona)