MANILA, Philippines - Kinapos ang nagdedepensang Cebu Dolphins sa ha-ngaring makopo ang ikalawang awtomatikong puwesto sa semifinals nang matalo sa Manila Sharks, 10-9, sa pagtatapos ng classification round ng Baseball Philippines Series V kahapon sa Rizal Memorial Baseball Stadium.
Dalawang laro ang hinarap ng Dolphins at nauna silang nangibabaw sa Dumaguete Unibikers sa 17-11 panalo upang itakda ang pagpapatuloy sa natigil na labanan nila ng Sharks noong Mayo 10.
Ang nasabing laban ay itinigil dahil tabla pa rin ang magkabilang koponan sa 9-all matapos ang 11 innings.
Si Jake Ilao ang siyang kumamada sa winning single bago sinandalan ng Sharks ang husay sa pagpukol ni Joseph Albindo para ipagkaloob sa Manila ang ikapitong panalo sa 10 laro at makasama ang walang talong Batangas Bulls (10-0) sa semifinals.
Nagtapos ang Dolphins sa 5-5 karta upang malagay sa ikatlong puwesto habang ang Alabang ang tumapos sa pang-apat sa 4-6 kasunod ng Unibikers (3-7) at Taguig (1-9).
Ang Cebu at Alabang ang siyang may twice to beat sa quarterfinals na bubuksan ngayon at kalaro ng Dolphins ang Unibikers habang ang Tigers ay makakaharap ang Patriots.
Kinuha naman ng Alabang ang karapatang labanan ang Cagayan sa Junior Baseball Philippines sa bisa ng 11-3 panalo sa Marikina.
Ang game one sa pagitan ng Alabang at Cagayan sa JBP ay gagawin ganap na ika-10:30 ng umaga.