Bualee, malakas para sa MVP title

MANILA, Philippines - Kaalinsabay sa pagpuntirya ng San Sebastian sa second straight Shakey’s V-League crown, hangad rin ni Thai import Jaroensri Bualee ang isa pang MVP award.

Sa pinakawalang 16 hits ni Bualee at solidong pwersa ng Stags, naisukbit ng tropa ang unang panalo sa best of three title showdown matapos paralisahin ang opensa ng Tigress na pumoste ng 25-17, 25-22, 25-19 noong Huwebes.

Ngunit bago ang napipintong pagrereyna ng SSC, asam ni Bualee na maiuwi ang MVP title matapos tanghaling league’s top scorer na may 267 points.

Asam ni Bualee na mahablot ang titulo bago magsimula ang sagupaan ng Adamson at FEU para sa Third Placer sa ganap na alas dos.

Hindi rin pahuhuli ang UST’s pride na si Mary Jean Balse na pumangalawa sa scoring list na may 251 marka sa ligang hatid ng Shakey’s Pizza at pinrisinta ng Cherifer.

Lumutang rin ang mga pa-ngalan para sa MVP nina 2008 second conference winner Lou Ann Latigay ng SSC, at ang dalawang Thomasian na sina Michelle Carolino at hitter Aiza Maizo, sa mga naglalaban laban para sa pinakamataas na individual crown ng torneo.

Pinagkaloob naman na best spiker si Latigay, habang inangkin ni Maizo ang korona bilang best blocker.

Naipwesto naman ni Rhea Dimaculangan ng UST, ang sarili sa league’s leading setter at server nominations, habang nakikipagbuno pa rin si Adamson Lizlee Ann Gata para sa best digger at best receiver titles.

Bibigyang pugay rin ng liga ang Cherifer Most Improved Player, kung saan nominado sina Lady Tams Cherry Vivas, Shaira Gonzales at ang pambato ng SSC na si Joy Benito.

Samantala, hindi na papipigil ang tropa ng SSC sa pagdomina ng naturang kumperensya at ilampaso sa ikalawang pagkakataon ang UST sa event na organisado ng Sports Vision at suportado ng Mikasa, Accel, Mighty Bond at OraCare. (Sarie Nerine Francisco)

Show comments