Pinoy shuttlers malaki ang pag-asa sa RP Open

MANILA, Philippines - Malaking tsansa para sa Filipino shuttlers na lalahok sa Bingo Bonanza Philippine Open Grand Prix Badminton Championship na magpasiklab at makakumpetensya ang world’s best players upang makalikha ng world ranking points sa magbubukas na event sa July 1-5 sa PhilSports Arena, Pasig City.

Para sa Grade Four Star o gold event, tumataginting na $120,000 ang nakalaan sa torneong naglalayon na malinang ang husay at makapagbigay tsansa sa mga local players na makagawa ng ranking points para makapasok sa 2012 London Olympics.

Kilala sa larangang ito, muling sasabak sa court ang beteranong magkapatid na sina Kennevic at Kennie Asuncion upang pakitaan ang mga baguhang manlalaro.

Sa pangunguna ng mga Asuncion, na hahamon sa mixed doubles divisions, kabuuang 92 ang bilang ng makikibahagi sa palaro.

 Bilang pantapat sa mga dayuhan, makakapareha ni Kennevic si Loyd Escoses sa men’s doubles habang ipapares si Kennie kay Lili Wang sa women’s doubles sa torneong handog ng Bingo Bonanza at suportado ng Victor (PCOME Industrial Sales, Inc), PLDT Business Solutions, The Philippine STAR, Holiday Inn, Crowne Plaza at Solar Sports.

Bilang pambato ng Pinas, aabangan ang pagpalo nina Mark Natividad, Antonino Gadi, Wilmer Frias, Kelvin Ang, Jaime Junio at ang mag-utol na sina Patrick at Peter Magnaye na babandera sa 23-player RP list sa men’s singles habang hindi rin padadaig ang tropa nina Irene Chiu, Gelita Castillo, Malvinne Alcala, Reyne Calimlim at Fatima Cruz na makikipagdwelo para sa ladies singles.

Sa pagkakataong ito, napaghandaan ng tropang Pinoy ang pakikipagtipan nito sa top players mula sa China, England, Vietnam, Germany, Canada, Wales at Malaysia. Inaasahan rin ang pakikipagharap ng ibang bansa tulad ng Hong Kong, Indonesia, Singapore, India, Chinese-Taipei, Japan, Russia at Macau sa BWF (Badminton World Federation).

Bilang pangangalaga sa titulong nailimbag ng China, mamanipulahin ng Chinese players ang torneo sa pamamagitan ng husay ng 29 players na titipa ng puntos para sa bansa. (Sarie Nerine Francisco)

Show comments