Pag binalikan ang kasalukuyang NBA Finals, marami ang magsasabing natalo ang Orlando Magic (kung tuluyan silang matalo) dahil sa isang maliit na bagay. Tutoo, marami ang magsasabing ang sumira sa pag-asa ng Orlando Magic ay ang mintis ni Courtney Lee sa katapusan ng Game 2, na magpapanalo na sana sa Magic sa homecourt ng Los Angeles Lakers na Staples Center.
Pero kung muli nating papanoorin ang laro, hindi iyon ang naging ugat ng kanilang pagbitaw sa larong iyon. Ang sumira sa Magic ay ang huling foul ni Mikael Pietrus. Ang Pranses ay nawala sa Magic sa kalagitnaan ng fourth quarter, at napilitan si Stan Van Gundy na ipasok si Lee. Una, nabawasan sila ng iskoring. Pangalawa at mas mahalaga, walang babantay kay Kobe Bryant.
Dala na rin ng pangangailangan, nilipat ni Van Gundy si Hedo Turkoglu kay Bryant, na nakatulong din. Noong huling segundo ng laro at habang tabla ang iskor, nasupalpal ni Turkoglu si Bryant, nakuha ang bola, at tumawag ng timeout. Nang repasuhin ng mga referee ang video ng laro, nakita nila na may kapiraso ng isang segundo pang natitira sa orasan.
May pag-asa pa sana ang Magic na masungkit ang Game 2.
Maganda rin ang play na tinakbo ng Magic paglabas sa timeout. May high screen and roll, at tumakbo papunta sa basket si Lee. Biglang naiwanan si Bryant, at napilitang humabol si Pau Gasol, na napahawak sa ring (goal-tending dapat na di tinawagan). Mula sa inbound, binato ni Turkoglu kay Lee sa isang napakagandang alley oop. Eksakto ang pasa, at nasalo ni Lee. Kaya lang, napalakas ang tira, bumanda, tumalbog sa ring, at di pumasok.
Marami ang nagtaka kung bakit binigyan ni Van Gundy ng ganoon kalaking responsibilidad ang isang rookie, lalo na sa Finals. Sa ibang nakalipas na laro, itinakbo rin ng Magic ang play na iyon, pero para kay Dwight Howard. Sa kabilang dako, maganda rin naman ang ideya, dahil hindi nahulaan ng Lakers na gagawin ng Magic iyon. Masuwerte lang si Bryant, dahil kung natalo sila, siya sana ang pumalya sa depensa’t nagpatalo.
Sa buong playoffs, kitang-kita ang determinasyon ng Magic, dahil paulit-ulit silang bumabalik kahit nalalamangan ng malaki. Gaya ng nasabi ko na minsan, para sa Lakers ang serye na ito. Lamang sila sa laki at karanasan. Depende lang sa kanila kung talagang gugustuhin nilang manalo, dahil madalas, kulang sila sa gigil at angas.
Pero sa Game 2, humataw sila sa overtime. Dito na lu-mabas ang kanilang karanasan. Dito lumabas ang kanilang pagnanasang pumunta sa Orlando na may baong dalawang panalo.
Gaya din ng nasabi ko na, di makakatulong sa Magic ang format ng Finals na 2-3-2. Ibig sabihin nito, kailangan nilang talunin ng tatlong sunod ang Lakers sa bahay nila, at wala pang nakakagawa noon sa taong ito. At kung sakaling malaglag nila ang isang laro sa Orlando, kailangan nilang kunin ang huling dalawang laro sa LA, isa pang napakahirap gawin.
Malay natin.