Purefoods handa sa Game 3
MANILA, Philippines - Para sa Purefoods Giants, malaking tulong ang labing-isang araw na pahinga para makabawi ng lakas ang koponang nagbuhat sa 2 knock out game sa loob ng isang linggo.
Handa nang sumabak sa bakbakan kontra Rain or Shine, kumpiyansa ang Giants na masisilat ang breakthrough semifinals stint ng kalaban, para sa pagpapuloy ng Philippine Basketball Association (PBA).
Tangan ang parehong baraha sa quarterfinal series ng Motolite Fiesta Cup, magkakasubukan muli ang Elasto Painters at Giants para magkaroon ng oportunidad na makatipan ang defending champion na Barangay Ginebra sa best of seven Final Four.
Ang krusyal na laro ay nai-pwersa matapos makuha ng Purefoods ang No. 6 seed nang hatakin ang panalo sa Game 2 na may 84-82 bentahe, sa pamamagitan ng 2 importanteng free throw na pinakawalan ni import Marquin Chandler sa huling 1.2 seconds matapos habulin ng third seed ElastoPainters ang 24 point kalamangan ng una.
“Ang importante is that you still have the composure to win the game. Mas mabuti `yung muntik matalo kaysa `yung muntik manalo,” ani Purefoods coach Ryan Gregorio “We wanted to stay alive and indeed, we’re alive.”
Ngunit bago ang nakamtang tagumpay, nalagay sa bingit ng alanganin ang Giants at kinai-langang magpursige sa double overtime para patalsikin ang Talk and Text Tropang Texters sa 126-123, knock out sa wildcard game.
Ang dikdikang salpukan ay nakapagdala ng determinasyon sa Giants makaraang hiyain ng Rain or Shine sa opening game ng kanilang serye.
“Those are pretty draining games that we had, but at least we’re happy that we’re able to forge another sudden-death. It’s a good character test for us, ayon batang coach ng Giants.
Sa ngayon malaki ang inaasahan sa Purefoods matapos matagumpay na maisulong ang Powerade Team Pilipinas sa title campaign ng 8th South East Asian Basketball (SEABA) Men’s championship na ginanap sa Medan, Indonesia.
“The only thing here is that James (Yap) and Kerby (Raymundo) will be only practicing for us for a day or two since they are coming off their stint with the national team, although I’m very confident that there are other guys who will step up big and know the repercussions of that particular game.”
Subalit dapat tutukan ng Giants ang pag-arangkada ni guard Sol Mercado para palawigin ang kampanya.
Makaraang lumiban sa unang dalawang laro ng serye, tutugusin ni Mercado ang daan para muling makabalik sa momentum at huwag nang indahin ang hamstring na tinamo sa Elasto Painters’ match sa Barako Bulls. (Sarie Nerine Francisco)
- Latest
- Trending