Ikalawang depensa ni Nietes di makakaapekto
MANILA, Philippines - Ito ang ikalawang sunod na pagkakataon na mag-dedepensa ng kanyang world minimumweight crown si Filipino Donnie “Ahas” Nietes sa Mexico City.
Ngunit hindi ito makakaapekto sa kasalukuyang World Boxing Organization (WBO) minimumweight champion na magsasanay sa Wildcard Boxing Gym ni American trainer Freddie Roach.
“Okay lang sa akin iyon. Hhindi naman tayo nagkulang sa ensayo,” sabi ni Nietes kahapon sa panayam ni Dennis Principe sa kanyang ‘Sports Chat’ sa DZSR.
Muling itataya ni Nietes sa ikatlong sunod na pagkakataon ang kanyang suot na WBO minimumweight belt laban kay Mexican challenger Manuel Vargas sa Hulyo 18 sa Oaxaca, Mexico.
Ibabandera ng 27-anyos na si Nietes ang 24-1-3 win-loss-draw ring record kasama ang 14 KOs, habang dala naman ng 28-anyos na si Vargas ang 26-3-1 (11 KOs) slate.
“Malakas din siya. Grabe ang body punches niya kaya iyon ang paghahandaan ko. Pati na rin ang speed niya,” ani Nietes, nakikipag-sparring kina Milan “Milenyo” Melindo at RP flyweight champion Rocky Fuentes sa ALA Gym sa Cebu City.
Bago sagupain si Vargas, matagumpay na naipagtanggol ng tubong Murcia, Bacolod City ang kanyang titulo laban kay Mexican Erik Ramirez via unanimous decision noong Pebrero sa Mexico City.
Sa palagiang panonood sa apat na fight tapes ni Vargas, kumpiyansa si Nietes sa kanyang tsansang muling maiuuwi ang kanyang WBO belt. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending