Sino ang mas mabangis?
MANILA, Philippines – Para sa huling pwesto sa Finals, magkakasubukan ang University of Sto. Tomas at Far Eastern University para idepensa ang korona ng ikaanim na edisyon ng Shakey’s V-League na ipiniprisinta ng Cherifer, na gaganapin sa The Arena, San Juan City.
Nang masilat ng Lady Tams ang panalo sa Game 2 noong Linggo, 16-25, 25-23, 25-21, 25-23, naipuwersa ng Tams ang sudden death match laban sa uhaw na UST Tigers.
Subalit hindi dapat ma-kampante ang Lady Tams, dahil paniguradong gaganti ang Tigers para isulong ang kampanya at makabawi sa pagkabigo nito.
Inaasahan ang mu-ling pagbabalik ni UST spiker Michelle Carolino para lumpuhin ang Tams. Matatandaang nawala si Carolino nang lumahok ito sa RP team na lumaban sa Vietnam.
Bukod kina Aiza Maizo at Carolino, sasandal ang España-based squad sa matitikas na galaw nina Mary Jean Balse, Bernice Co, Maika Ortiz at Rhea Dimaculangan upang angkinin ang ikalawang final berth at tugisin ang kampeonato ng ligang hatid ng Accel, Mikasa, Mighty Bond at OraCare.
Ang gametime ay sa ganap na alas-4 ng hapon. At para sa live webcast ng bakbakan, mag log on sa www.v-league.ph.
Pursigido at determinado, pagtitibayin ng FEU ang depensa at opensa ng koponan sa pamumuno nina Rachel Daquis, Cherry Vivas, Maica Morada, Mayette Carolino at guest player Rubie De Leon.
“We need to improve our defense. We were able to control UST’s drop shots the last time out and we hope we can do it again,” ani FEU coach Nes Pamilar.
Samantala, nakaabang na ang San Sebastian College na umaasam ng kanilang ikalawang sunod na korona sa makakalaban nito sa best of three finals na magsisimula sa Huwebes.
Napatalsik ng Lady Stags ang nagdedepesang Adamson Falcons sa two-game sweep, kabilang ang paglampaso ng una, 25-14, 25-22, 25-14. (Sarie Nerine Francisco)
- Latest
- Trending