Future ng RP Basketball
Kahit paano’y nairaos ng Philippine Basketball League ang Unity Cup bagamat bumaba nga sa lima ang bilang ng mga koponang lumahok sa nakaraang torneo.
Pero siyempre, hindi naman puwedeng magpatuloy ang ganitong kundisyon at sa susunod na torneo ng PBL ay lima ulit ang competing teams. Kailangan ay madagdagan ang bilang ng mga ito.
Kasi nga, dahil sa paglisan ng ibang teams, marami ang nangangamba na baka tuluyang mawala na ang PBL, sayang kung magkakaganoon. Na-establish na ng ligang ito ang kanyang pagiging number one commercial amateur league sa bansa.
Naaalala ko pa nang magsimula ang PBL halos tatlong dekada na ang nakalilipas ay may 32 teams ang lumahok sa initial tournament nito. Dalawang divisions kasi noon. Isang para sa mga commercial teams at isa para sa mga collegiate teams.
Ang dami nun, diba?
Parang gutom na gutom kasi ang mga kumpanya at eskuwelahan para sa isang basketball tournament. Kasi nga’y namatay ang MICAA na siyang dating premiere amateur league ng bansa. Ito’y bunga ng pag-alis ng mga miyembro ng MICAA at pagtatatag nila ng kauna-unahang professional league sa Asya, ang Philippine Basketball Association.
Pansamantalang nagpatuloy ang MICAA kahit na mayroon ng PBA pero namatay din ito. At makalipas ang ilang taon ay isinilang ang PBL. At kahit na mayroong professional league, nagawa ng PBL na mag-survive.
Pero ngayon ay may lambong ng walang katiyakan ang kinabukasan ng PBL.
Signs of the times?
Kasi nga’y hindi maitata-twa na mayrong krisis pang-ekonomiya sa daigdig at naaapektuhan na rin tayo.
Subalit matagal pa naman bago ilunsad ang susunod na torneo ng PBL, e. Hihintayin pa’ng matapos ang mga collegiate basketball tournament bago magsimula ang susunod na torneo ng PBL bandang Nobyembre.
Marami pang puwedeng mangyari mula ngayon hanggang Nobyembre. Tiyak namang gagawa ng paraan si Commissioner Chino Trinidad upang makahikayat ng ibang kumpanya na lumahok sa susunod na torneo. Ngayon pa lang ay siguradong marami na siyang kinakausap. Malaking dagok para sa mga batang basketbolista kung mawawala ang PBL. Kung yun ngang kumonti ang bilang ng mga teams sa PBL ay iilan na lang ang collegiate players na nagkakaroon ng tsansang mapalawig ang kanilang skills bago sila makaakyat sa PBA, paano pa kapag (knock on wood) nagsara ang liga.
Lalong mahihirapang uma-ngat ang Philippine basketball.
Sayang naman!
* * *
HAPPY birthday kay Ayvone Asensi na nagdiriwang ngayon, June 8.
- Latest
- Trending