Bakit natambakan ang Orlando
Marami din ang natuwa at marami din ang nagulat nang tambakan ng Los Angeles Lakers ang Orlando Magic sa Game 1 ng NBA Finals. Pero hindi ito nangangahulugan na walang mangyayari sa Magic. May mga bagay na hindi lamang nila maalpasan sa unang laro.
Una, sanay na ang Lakers na pumasok sa Finals, dahil nakaharap nila ang Boston Celtics noong nakaraang taon. Dahil na rin dito, gutom ang Lakers, dahil nabitin sila noong nakaraang taon. Ibinubuhos nila ang sama ng loob nila sa Orlando, at gustong magparamdam na hindi sila magpapatalo.
Pangalawa, ang koponang tulad ng Orlando ay masyadong nakasandal sa outside shooting. Pag road game, hindi mo sari-ling home court, maninibago ka. Kaharap mo pa ang libu-libong taong kumokontra.
Hindi madali ang paglipat ng court, lalo na sa Finals. At katatapos lamang ng serye ng Magic sa Cleveland, kaya’t may biyahe pang kasama ang pagpunta sa LA.
Pangatlo, iba si Kobe Bryant kay LeBron James. Mas mara-ming galaw si Kobe: may post moves, fadeaway, at mas maganda ang jump shot niya kay LeBron. Bukod dito, mas magaling si Bryant mamasa ng bola sa loob, kahit masikip ang depensa. Dito, nagawa niyang mas epektibo ang mga malalaki ng Lakers. At hindi siya kayang bantayan ni Mickael Pietrus.
Pang-apat, kinailangan ng Lakers na umiskor ang mga sentro nila, para mapilitang magtrabaho si Dwight Howard sa depensa. Laban sa Cleveland, wala namang mabigat na iskorer sa frontline, kaya naka-relax si Howard, at natulungan ang mga kakampi niya.
Laban sa Lakers, pag maganda ang laro ni Pau Ga-sol, Lamar Odom at Andrew Bynum, hindi magagawa ni Howard iyon.
Panlima, halos dalawa lang ang proproblemahin ng Lakers. Pababayaan ba nila si Howard sa loob, o pipigilan ang mga shooter ng Orlando sa labas? Sinabi na ni Phil Jackson na hindi sila makikinabang sa double-team. Pinili nilang sirain ang outside shooting ng Orlando, at tumalab naman.
Pang-anim, makakasama pa sa Orlando ang format ng Finals. Sa ibang serye sa play-offs, 2-2-1-1-1 ang laro. Sa Finals, 2-3-2. Hindi matatalo ng Orlando ng tatlong sunod ang Lakers sa kalagitnaan ng serye. Baka dalawa lang ang maipapanalo nila sa bahay nila. Ibig sabihin, mas nakatulong pa sa Lakers ang homecourt advantage sa Finals, dahil iba ang latag ng schedule.
Tignan natin kung ano ang mangyayari, pero mahihirapan ang Orlando na makanakaw ng laro sa LA.
- Latest
- Trending