Amit kampeon sa Women's World 10-Ball
MANILA, Philippines - Hindi na pinakawalan ni Rubilen Amit ang pagkakataong iwagayway ang bandila ng Pilipinas at patunayan ang husay ng mga Pilipino sa larong bilyar nang igupo niya si Liu Shin-mei ng Chinese-Taipei,10-4 at iputong ang korona bilang pinakamahusay sa Women’s World 10-Ball Championship na ginanap sa SM North EDSA, Quezon City.
Madaling sinimulan ng 27 anyos na 3-time SEAG gold medalist ang kanyang kampanya nang agad umabante ito sa 4-2 at hindi nabigyan ng pagkakataong makakuha ng abante si Liu.
Bunga ng panalong ito, naibulsa ni Amit ang halagang $20,000 papremyong nakalaan dito at kauna-unahang major title matapos mabigo sa 2007 Amway 9-Ball World championship kay Xiao-Ting Pan ng China.
“Nagpapasalamat ako sa mga kababayan ko na nagdasal para sa akin,” masayang wika ni Amit. “Para sa inyo at sa Pilipinas ang panalong ito.”
Umusad si Amit sa finals nang dispatsahin niya ang Haponesang si Akimi Kajitani, 9-6.
Bago sumuong sa engkwentro kontra kay Kajitani, nakipaghamunan muna si Amit kay Jeanette “Black Widow” Lee kung saan inangkin niya ang tatlong huling racks bago umeskapo bitbit ang hill-hill 9-8 panalo sa quarterfinals event na pinirisinta ng JBETpoker.net, Dragon Promotions at Bugsy Promotions.
Matapos makalasap ng kabiguan sa World No. 1 Kelly Fisher sa opening match, hindi na hinayaan ni Amit na malugmok sa 8 sumunod na outings ng torneong may $75,000 bilang papremyo na suportado ng Billiards Managers and Players Association of the Philippines, ABS-CBN, SM Mall North Edsa, Magic 89.9, Predator Cues, Takini Billiard Cloth, Aramith, Puyat Sports, The Philippine Star at Bugsy Promotions na kinikilala ng Billiards and Snooker Congress of the Philippines.
Nakapasok naman sa finals si Liu matapos dispatsahin si Jasmin Ouschan ng Austria. (Sarie Nerine Francisco)
- Latest
- Trending