MANILA, Philippines - Nagtala ng impresibong panalo si Rubilen Amit nang payukurin ng top ranked female cue artist si Su I Yun ng Chinese-Taipei, 5-1, para sa ikalawang sunod na panalo sa JBETpoker.net Women’s World 10-Ball Championship kahapon sa Sky Dome ng SM North EDSA sa Quezon City.
Kasabay nito, ang malungkot na kabiguan ng 11 year local pool sensation na si Gillian Go na na-pressure ng husto sa paglalaro sa harap ng napakaraming manonood at yumuko kay world No. 5 Yu Ram Cha ng Korea, 5-2 sa kanyang ikalawang laban sa event na ipiniprisinta ng JBETpoker.net, Dragon Promotions at Bugsy Promotion.
Ang 27 anyos na three-time SEAG gold medalist at 2007 World Women’s 9-Ball runner-up ay natalo sa opening match kontra kay world No. 1 Kelly Fisher ng England, 5-1 ngunit bumangon nang igupo naman si Charlene Chai ng Singapore, 5-1. Ang kanyang tagumpay kay Su ay nagbigay ng 2-1 slate na nag-usad sa kanya sa ikalawang puwesto sa Group 8 sa likuran ng tumalo sa kanya na may perpektong 3-0 baraha.
Ang mga partisipante ay hinati sa anim na grupo na may tig-anim na players na lalahok sa single round robin. Ang top three sa bawat grupo ang uusad sa knockout phase ng torneong suportado din ng Billiards Managers and Players Association of the Philippines, ABS-CBN, SM Mall North Edsa, Magic 89.9, Predator Cues, Takini Billiard Cloth, Aramith, Puyat Sports, The Philippine Star, at Bugsy Promotions at kinikilala ng Billiards and Snooker Congress of the Philippines.
Nagwagi naman si Iris Rañola, kay Hyun Jin-won ng Korea, 5-4, para sa kanyang unang panalo matapos ang back-to-back na kabiguan. Kailangan niyang magwagi kay Karen Corr ng Ireland at Melissa Little ng US para makapasok sa knockout stage.
Nanalasa din si Jeanette “ Black Widow” para manguna sa Group 1 kasama si Veronika Hubrtova ng Czech Republic. Nalaglag naman ang Fil-Am na si Shanelle Lorraine sa 1-2, at Pinay na si Niña Pangilinan sa 0-3.
Nanatili namang walang talo si Mary Ann Basas, sa Group 4.