Peñalosa nais magbigay ng karangalan bago magretiro
MANILA, Philippines – Sa kahuli-hulihang pagkaka-taon ay gusto ni Filipino world two-division champion Gerry Peñalosa na makapagbigay muli ng karangalan sa bansa.
“One last fight na lang na farewell fight ko na,” hiling ni Peñalosa kahapon ukol sa pagiging mandatory challenger niya sa mananalo kina Mexican Fernando Montiel at Puerto Rican Eric Morel para sa dati niyang suot na World Boxing Organization (WBO) bantamweight belt.
Nakatakda ang laban nina Montiel at Morel sa Hunyo 27 sa Atlantic City, New Jersey kung saan ang mananalo ang makakalaban ni Peñalosa, magdiriwang ng kanyang ika-36 kaarawan sa Agosto 7.
Binakante ng tubong San Carlos City, Cebu ang natu-rang WBO bantamweight crown upang hamunin si WBO super bantamweight titlist Juan Manuel Lopez noong Abril 25 sa Bayamon, Puerto Rico na pinagwagian ng Puerto Rican matapos itigil ni trainer Freddie Roach ang laban sa 11th round.
Bago sagupain si Lopez, nagkasundo na ang Golden Boy Promotions, may hawak kay Peñalosa, at Top Rank Promotions na si “Fearless” ang magiging mandatory challenger sa mananalo kina Montiel at Morel.
“Kung ako ang tatanungin mas gusto kong dito sa Pilipinas gawin ‘yung laban. Gusto kong maibalik sa mga kababayan natin ‘yung mga naitulong nila sa akin,” ani Peñalosa.
Tangan ni Peñalosa, dati nang hinawakan ang super flyweight title ng World Boxing Council (WBC), ang 54-7-2 win-loss-draw ring record kasama ang 36 KOs.
Dala ng 30-anyos na si Montiel, tinalo si Filipino Z “The Dream” Gorres via split decision noong Pebrero ng 2007 sa Cebu City, ang 39-2-1 (29 KOs) card, habang may 41-2-0 at 21 (KOs) naman ang 33-anyos na si Morel. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending