11 year old Pinay wagi

MANILA, Philippines – Nagtagumpay si Gillian Go sa kanyang international debut nang igupo ng 11-gulang na local pool whiz si Australian Lyndall Hulley, 5-3, sa pagsisimula ng 2009 JBETpoker.net Women’s World 10-Ball Championship kahapon sa  Sky Dome ng SM City North Edsa sa Quezon City.

Nagtagumpay si Go, nakapasok sa 48-woman main draw ng prestigious event na ito via qualifiers, sa puro error na laban na nagbigay sa kanya ng kumpiyansa para makapasok sa knockout stage ng tournament na hatid ng Dragon Promotions sa tulong ng JBETpoker.net

Ang panalo ay naglagay kay Go sa maagang pangunguna sa Group 5, kasama si Taiwanese Liu Shin-mei, na tumalo kay Tina Meraglio ng United States, 5-0.

Ang mga kalahok ay hinati sa walong grupo na may anim na player bawat isa at maglalaban-laban sa single round-robin. Ang  top four players sa bawat grupo ay uusad sa knockout phase ng makasaysayang torneong ito na suportado ng Billiards Managers and Players Association of the Philippines, ABS-CBN, SM Mall North Edsa, Magic 89.9, Predator Cues, Takini Billiard Cloth, Aramith, Puyat Sports, The Philippine Star at Bugsy Promotions at kinilala ng Billiards and Snooker Congress of the Philippines.

Nanalo rin ang national team mainstay na si Mary Ann Basas, isa ring qualifier, sa kanyang opening match, nang talunin nito si Akimi Kajitani ng  Japan, 5-1, upang makisalo sa pangunguna sa Group 4.

HIndi naman sinuwerte ang dalawa pang  local bets na sina Zara del Rosario at Nina Pangilinan.

Natalo si Del Rosario,  30-year-old Chicago-based Fil-Am, kay Taiwanese Lin Yuan-chun, 5-0, sa Group 2, at nablangko si Pangilinan, wildcard entry, kay Grace Nakamura-Bobcock ng  Canada, 5-0, sa Group 1.

Yumuko din sa Iris Ranola kay Tamara Rademaker ng Netherlands, 5-2.

Samantala, kumuha ng atensiyon si Fil-Am Shanelle Loraine dahil sa kanyang kaseksihan at ganda ngunit yumuko kay Jeanette “Black Wi-dow’ Lee, 5-0.


Show comments