MANILA, Philippines – Isang panalo na lang at fiesta na para sa Oracle Residences.
Para hatakin ang panalo, patutunayan ng Titans ang tunay na kakayahan ng isang kampeonato sa pamamagitan ng matinding depensa at matalinong diskarte na susukatin sa pakikiharap nito sa Pharex Batang Generix para sa Game 4 na mag-aakay sa titulo para sa 2009 PBL PG Flex Unity Cup sa Ynares Sports Ceter, Pasig City.
Kapag naiuwi ng Oracle ang panalo, katapusan na ng maliligayang araw para sa Batang Generix.
Bilang bagong grupo sa liga, aasintahin ng Oracle ang una nitong titulo na magmamarka ng ikapitong sunod na kampeonato sa kompanya ng Harbour Centre.
Dahil sa sunud-sunod na paghahari sa liga, ultimo ang mga nakalipas na kampeon tulad ng Magnolia Ice Cream, Stag-Tanduay at Welcoat Paints ay hindi na-naig ng ganung katagal.
Buhat sa 2-1 kartada, ipaparada ng Oracle ang pagbabalik nina RP developmental team members-Mark Barroca, Mac Baracael, JR Cawaling at Aldrech Ramos na nakipagbuno sa Japan.
Galing sa panalo na nagtalaga ng 2-1 bentahe, pupuntiryahin ng Oracle ang huling halakhak ng serye para kontrolin ang laro.
Kahit lamang sa serye, pinag-aaralang ng kampo ni Glenn Capacio at team Manager Erick Areojola ang gagawin kung paano mapapataob ang Pharex.
Habang naniniwala rin si Capacio sa kapasidad ng Batang Generix na humanap ng ibang paraan para malusutan ang depensa ng Oracle, tulad ng pinamalas nito sa Game 2.
Inaasahang lulusubin ng mga beteranong sina Rico Maeirhofer, Jerwin Gaco, Fil Am cager Chris Timberlake, Rob Labagala at John Wilson ang kampo ni coach Carlo Tan para bulagain sa huling pasiklab ng grupo patungo sa tagumpay.
Sa mahigpit na depensa, bubuwagin ng Titans ang magandang performance ni MVP Chris Ross at todo guwardya ang aagawin kina Ronni Matias, Ina Saladaga at Francis Allera para mau-ngusan ang bagito sa Finals na Pharex. (Sarie Nerine Francisco)