Barroca at mga kasama nagbalik na para isiguro ang titulo sa Titans
MANILA, Philippines - Malaking tsansa sa ikapitong titulo ang nararamdaman ngayon ng Oracle Residences sa muling pagbabalik ng tropa ni Mark Barroca, na pansamantalang nawala para sa Philippine developmental team na lumahok sa invitational tournament sa Japan, at muling sasabak sa hardcourt para ikubra ang panalo sa title series ng 2009 PBL PG Flex Unity Cup.
Pursido sa pagsasanay, pinagtutuunan ng pansin ng bataan ni team Manager Erick Arejola ang mga panibagong taktikang gagamitin para tuluyan ng durugin ang Pharex Batang Generix.
Sa pamamagitan ng pagbabalik nila Barroca, mas lumawig ang oportunidad para sa Titans.
“They have already arrived and we hope they will be ready for our game on Tuesday,” ani ni Arejola. “We can’t take Pharex easily, I have high respect for its organization so we really need their services.”
Sa kabila ng kawalan ng apat na RP team members sa huling laban, naigapang ng Titans ang panalo nang iposte ang 88-70 bentahe para ikubra nag 2-1 kartada sa serye.
Isang panalo na lang ang kinakailangan ng sister team ng Harbour Centre para ituloy ang dinastiya at iukit ang titulong, “greatest amateur ball club” sa kasalukuyan na nagmarka ng pitong sunod na kampeonato sa liga.
Sa pinagsanib puwersa nina Chris Timberlake, John Wilson at Rob Labagala sa Game 3, matagumpay ni-lang nabuwag ang depensa ng Pharex at natambunan ang Most Valuable Player title ni Chris Ross.
Sa solidong depensa ni Timberlake hindi na nagawang makaporma ni Ross sa huling laban. nadaig ni Timberlake, nakapaglista ang Fil Am cager ng 19 points na tumulak sa tagumpay ng grupo.
Naging bahagi rin ng panalo ang tig16 puntos ambag nina Labagala at Wilson na bumuwag sa pangarap ng Batang Generix na malusutan ang Oracle. (Sarie Nerine Francisco)
- Latest
- Trending