National players sinuspinde ng Baseball Phils.
MANILA, Philippines – Pinatawan ng indefinite suspension ng mga Baseball Philippines team owners ang mga national players na hinati sa anim na koponan na kalahok sa Series V.
Nagdesisyon ang mga may-ari matapos magpulong nitong Biyernes upang talakayin ang ginawang di paglalaro ng mga nationals noong Mayo 23 at 24.
Naunang pinagpaliwanag ng mga team owners ang mga manlalaro kung bakit nila ginawa ang aksyon at ipinunto ng mga players ang patuloy na pagbato ng kritisismo sa ipinakikita ng ilang kasamahan.
Bagamat naintindihan ng mga team owners ang hinaing ng mga ito, hindi naman nila basta-basta mapapalampas ang biglaang pagtalikod ng mga manlalaro sa kanilang responsibilidad sa mga kumuhang teams.
“After a thorough deliberation on the matter among the team owners and management of Baseball Philippines with the end view of preserving the integrity and stability of the league and all the stakeholders and general public, we have decided to indefinitely suspended the national players from participating in the league effective immediately,” wika ng liham na nilagdaan ng anim na team owners.
Umabot sa 24 ang national players na naglalaro sa liga at dahil sa pangyayari, inihayag ni Community Sports Inc. marketing head Chito Loyzaga ang pagbibigay ng karapatan sa mga koponan na kumuha ng manlalarong ipapalit sa mga pinagbawalang manlalaro.
“Binibigyan namin sila ng pagkakataon na kumuha ng mga bagong manlalaro na dapat ay maibigay ang pangalan sa Lunes. It’s an unfortunate incident but the league have to go on,” wika pa ni Loyzaga.
Samantala, dala ng malakas na pagbuhos ng ulan kahapon ng umaga ay hindi nailaro ang tagisan ng Cebu at Dumaguete at inilipat ito ngayong ika-10:30 ng umaga.
Naidaos ang aksyon sa Cagayan Carabaos at Quezon City Angels sa Junior Baseball Philippines at pinalawig ng Carabaos ang winning streak sa 5-0 sa pamamagitan ng 10-0 tagumpay.
Walong runs nga ang iniskor ng Carabaos sa first inning lamang at si Bryan Lumbres ay may dalawang RBI’s at dalawang run sa dalawang pagpalo sa nasabing inning.
- Latest
- Trending