Women's World 10-Ball qualifier sasargo

MANILA, Philippines – Bitbit ang temang “Billiards, the sport of the Philippines. The sport of the people” magbubukas sa lahat ng magagaling na man­lalaro ang tinuturing na pinakamalaking women’s sporting event ng Pilipinas ngayong taon sa pamamagitan ng open qualifier round na gaganapin bukas, June 1 para magkasubukan at masala ang 48 women na makakalagpas sa pagsubok.

Para makibahagi sa makasaysayang qualifying tournaments ng JBETpoker.net Women’s World 10 Ball Championship, maraming aspiring lady cue artists ang inaasahang lalahok sa pagsisimula nito ngayong araw sa Paeng’s Skybowl, Robinson’s Galleria Mall sa Lungsod Quezon.

Kinakailangang mapunan ang 6 slots na nakatayang aabante mula sa 45 women main draw ng two-day qualifiers sa sporting event para sa mga kababaihan sa Pilipinas na inihandog ng Dragon Promotions at JBETpoker.net, National Team mainstay.

Bilang kinatawan ng bansang Pilipinas, aasintahin ni Mary Ann Basa na makasama sina 2007 Women’s World 9 Ball Champion­ship runner up Rubilen Amit at 2008 WPBA Rookie of the Year Iris Ranola upang ipagmalaki ang talentong Pinoy sa engrandeng torneo na magsisimula sa June 2 at magtatapos sa June 6 sa SM City North EDSA.

Ang sino mang magkakwalipika sa labang ito ay magkakaroon ng tsansang mag-uwi ng tumataginting na $20,000 at korona ng pinakaprestihiyosong event na suportado ng ABS-CBN, SM Mall North EDSA, Magic 89.9, Predator Cues, The Philippine Star, Bugsy Promotions at kinikilala ng Billiard and Manager, Players Association of the Philippines at Billiards and Snooker Congress of the Philip­pines. (Sarie Nerine Francisco)


Show comments