Mahaba pa ang landas na tatahakin ng Rain Or Shine bago matupad ang pangarap nitong makarating sa semifinals ng PBA sa kauna-unahang pagkakataon.
At marahil, iniisip nila na kung nanalo lang siya ng isa pa’ng game sa classification round ay wala na silang problema. Nasa semis na sila at kasama ng San Miguel Beer na naghihintay na lang ng makakalaban.
Nagkaroon sila ng isa pa’ng tsansang makamtan ang ikalawang automatic semifinals berth pero sinayang nila ito. Kasi nga’y tinambakan sila ng Barangay Ginebra, 114-71 sa playoff noong Linggo.
Malaking letdown iyon considering na 1-1 ang record nila ng Gin Kings sa classification round. Unang nagwagi ang Rain Or Shine, 107-93 noong Marso 18 subalit nakabawi ang Barangay Ginebra, 94-89 noong Abril 17 kahit wala itong import.
Nagawa na ng Rain Or Shine ang unang hakbang tungong semis nang payukuin nito ang Barako Bull, 96-88 sa wildcard phase noong Miyerkules para makarating sa quarterfinals. Inaasahan naman ng karamihan ang panalong iyon dahil sa kulelat nga ang Energy Boosters. Isa pa’y may twice-to-beat advantage ang Rain Or Shine pero hindi na pinagtagal pa ni coach Caloy Garcia ang laban.
Pero matindi ang makakalaban ng Rain Or Shine sa best-of-three quarterfinals. It’s either Talk N Text o Purefoods Tender Juicy Giants na nagharap sa isang knockout match kagabi.
Alinman sa dalawang ito ay may malakas na line-up. At siyempre, may sapat na karanasan. Ang Purefoods ay isang perennial title contender samantalang ang Talk N Text ang siyang reigning Philippine Cup champion.
So, parang dadaan pa rin sa butas ng karayom ang Elasto Painters dahil hindi sila nakakatiyak kontra sa kanilang makakaharap.
Kung abot kamay na nila ang semifinals sa pagtatapos ng classification round, ngayon ay parang nasa gilid sila ng bangin.
Well, ganoon talaga ang labanan sa PBA.
Kailangang dumaan sa maraming pagsubok. Talaga namang kailangan ng Rain Or Shine na malampasan ang mga magagaling na koponan upang mapahanay sa mga ito.
Hindi nila makukuha angkanilang minimithi kung hindi sila lalaban para makamtan ito. patibayan lang ng dibdib iyan.
Continuous learning process para sa mga bagitong manlalaro ni Garcia. At siya rin mismo ay natututo bunga ng mga hamon na nasusuungan nila.
Pero nakikitaan naman ng magandang potential ang Rain Or Shine. Darating din ang panahon ng koponang ito.