MANILA, Philippines - Hindi pa rin naglalaro si Kelly Williams sa Sta. Lucia at sa ikaapat na sunod na kumperensiya ay masasalang ang Realtors sa quarterfinal round.
Naging sandigan ng Realtors ang kanilang import na si Anthony Johnson na nagpakita ng pinakaproduktibong laro ngayong conference na nagbunga ng 94-88 panalo nila laban sa Coca-Cola Tigers sa wildcard phase ng Motolite PBA Fiesta Conference sa Araneta Coliseum, kagabi.
Nagtrabaho ng husto si Johnson nang maglista ito ng 42 puntos at 24 rebounds para tulungan ang Realtors sa pagpasok sa quarterfinals at maitakda ang kani-lang laban ng Burger King Whoppers sa best-of-three quarterfinal round.
At para sa Realtors at kay coach Boyet Fernandez, hulog ng langit si Johnson para sa kanila at best import sa kanilang puso.
“To us, he is the best import,” ani Fernandez. “ It really showed tonight. “
At kung noong mga nakaraang laban ay hindi gaanong malalaking bilang ang naibibigay nina Marlou Aquino at Dennis Espino, naging sapat naman ang kanilang pagdepensa kay Asi Taulava na napigil nila sa 15 puntos at limitahan sa freethrow line sa 5-of-13.
Nabalewala naman ang 33 produksiyon ni James Penny ng Coca-Cola sa nilasap na kabiguan ng Tigers.
Bumirada din ng double figures sina Ryan Reyes at Nelbert Omolon sa kanilang inilistang 16 at 11 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Samantala, habang sinusulat ang balitang ito, kasalukuyang naglalaban pa ang Purefoods at Talk N Text. (Sarie Nerine Francisco)