MANILA, Philippines - Sa kanyang tatlong buwan na paglalaro para sa Powerade Team Pilipinas ay tatanggap si Japeth Aguilar ng halagang tinatanggap ng isang No. 1 overall pick sa Philippine Basketball Association (PBA).
Ito ang sinasabi ni national head coach Yeng Guiao na ‘special package’ na inilatag ng sponsor nilang Powerade para sa 6-foot-10 na si Aguilar.
“Because he is not playing for any PBA team, Japeth will be receiving monthly allowances from our sponsor which is equivalent to a salary of a first round pick,” ani Guiao kay Aguilar. “It will amount to something like P100,000 to P150,000 and he will play for three months with us.”
Inaasahang makakalaro si Aguilar sa Jones Cup na nakatakda sa Hulyo 18-26 sa Chinese-Taipei at sa FIBA-Asia Men’s Championship na lalaruin sa Agosto sa Tianjin, China.
Pinayagan ni Guiao si Aguilar, nagtapos sa Western Kentucky University, isang US NCAA Division 1 team, na dumalo sa imbitasyon ng NBA Developmental League Camp sa Hunyo 16.
Balak sana ni Guiao na paglaruin ang dating Blue Eagle ng Ateneo De Manila University sa South East Asia Basketball Association (SEABA) Men’s Championship sa Hunyo 6-10 sa Medan, Indonesia kung saan ang maghahari ang aabante sa FIBA-Asia tournament na qualifying event naman para sa World Championship sa Istanbul, Turkey sa 2010.
Maliban sa RP Team ni Guiao, may ‘commitment’ na rin si Aguilar, anak ni dating PBA slotman Peter Aguilar, sa Smart Gilas squad ni Serbian mentor Rajko Toroman.
Nagtungo ang Smart Gilas ni Toroman sa Japan para sa isang invitational tournament matapos maging fifth-placer sa nakaraang FIBA-Asia Champions’ Cup na pinagharian ng Iran.
“I don’t know why there are doubts regarding his playing for our team,” ani Guiao sa ‘commitment’ sa kanila ni Aguilar. “As far as I’m concern, it’s already a done deal.” (Russell Cadayona)