Women's World 10-Ball matutunghayan sa ESPN Sports

MANILA, Philippines – Malugod na inanunsyo kahapon ng Dragon Promotions ang pagsosyo ng ESPN Star Sports para isapubliko ang prestihiyoso at kauna-unahang Women’s World 10 Ball Championship na pamumunuan ng Pilipinas sa June 2-6 sa SM City North Edsa.

Sa kabuuan, magtatagisan ang 48 top women pros sa buong mundo para pagreynahan ang torneong hatid ng Dragon Promotions, JBETpoker.net, ABS-CBN, SM Mall North Edsa at Bugsy Promotions.  

Inaasahang lilikha ng kasaysayan ang torneong ito dahil sa mga bigatin at malalaking media productions na magbibigay kulay sa pinakamalaking sporting event sa Pilipinas ngayong taon.

Kumpara sa ibang Women’s Billiards tournament, mapapanood ng live ang mga laban sa loob ng 20 oras sa ESPN STAR Sports’ channel.

Sa pagsasanib pwersa ng ESPN at higanteng Filipino network, ABS-CBN, mapapanuod ang Women’s 10-Ball Championship sa 40 bansa kabilang ang Pilipinas, Taiwan, Hong Kong at Indonesia.

“ESPN Star Sports is pleased to be broadcasting the Women’s World 10-Ball Championship. This is a historic event and we are looking forward to giving one of the best billiards events excellent coverage across Asia. We are pleased to be working with Dragon Promotions for this world class event,” pahayag ni Dragon Promotions head Charlie Williams. (Sarie Nerine Francisco)


Show comments