Carabaos pasok sa finals
MANILA, Philippines – Winalis ng Cagayan Carabaos ang Marikina Indians sa dalawang tagisan sa Junior Baseball Philippines nitong Sabado’t-Linggo upang makamit ang unang puwesto sa finals ng liga.
Hindi nakaporma ang Marikina sa husay ng Cagayan nang hindi makaiskor ng isang run sa dalawang tagisan at maisulong ang nangungunang karta sa 4-0 sa ligang inorganisa ng Community Sports Inc.
Kumana ng tigalawang RBI sina Christian Magnaye at Arvin Plaza upang banderahan ang 8-0 panalo noong Sabado na ginanap sa Sto. Nino, Marikina.
Lumipat ang aksyon sa Rizal Memorial Baseball Stadium noong Linggo at mas mabangis ang nakitang paglalaro sa Carabaos sa inilistang 9-0 panalo.
Tinapos nga ng Cagayan ang laro sa unang inning lamang nang kumana ng pitong runs sa limang hits ang Carabaos naglatag ng dalawang RBIs si Aris Oruga na tinulungan nina Magnaye, Tsuyoshi Horibata at Jezreel Rosita sa paghahatid ng tig-isang run.
Nalaglag ang Indians sa 1-2 karta at may suspended game sa Quezon City Angels at nalagay sa alanganin ang hangaring makarating sa Finals dala na rin ng pag-iinit ng Alabang Tigers na tinalo ng dalawang sunod ang Angels.
Kumulekta ng 10 hits ang Tigers sa Angels sa unang pagtutuos para sa 12-0 tagumpay at sa ikalawang pagtutuos ay bumanat naman ng 13 hits tungo sa 13-3 panalo.
Dala nito, ang Tigers ay nakaahon sa dalawang sunod na ka-biguan sa Cagayan at itabla ang karta sa 2-2 habang ang Angels ay nalasap ang ikatlong sunod na kabiguan.
Ang Tigers at Indians ay magtutuos sa darating na Sabado’t-Linggo at malalaman dito kung sino ang papalarin na siyang makaharap ng Cagayan sa best of three finals.
- Latest
- Trending