MANILA, Philippines – Magandang balita para sa avid fans ng ikaanim na edisyon ng Shakey’s V-League, simula ngayong Martes, May 26, maaari nang mapanood ang aksyon ng torneo sa pamamagitan ng live webcast.
Sa unang pagkakataon, ieere sa internet ang bakbakan ng FEU at University of St. La Salle-Bacolod na susundan ng pagtutuos ng San Sebastian at Adamson ng alas-4 ng hapon para sa quarterfinal round sa The Arena San Juan City.
Sa papamagitan ng www.v-league.ph, maihahatid sa mga fans ang salpukan ng mga uni-bersidad at maipapakalat ang galing ng mga atletang Pinoy sa larangang ito.
Sa pangunguna ng organizing staff na Sports Vision, palalawigin nila ang coverage ng bawat laro para ihatid sa publiko.
“Now, anybody from any part of the world can watch the games live,” pahayag ni Sports Vision chair Moying Martelino.“We believe this will also motivate the players to give it their best shot in every game.”
Sa tampok na laro, magtutuos ang dalawang de-kalibreng grupo para magkasubukan ng tibay. Layon ng Stags na dominahin ang laban para akuin ang ikatlong sunod na panalo na syang gigiya sa liderato kasalo ang UST.
Habang pupuntiryahin ng Lady Falcons ang alas para ibangon ang grupo matapos pabagsakin ng UST noong isang Linggo.
Mula sa natamong tagumpay sa USJR, doble kayod rin ang ipapakita ng San Marcelino based squad para pigilan sa pagbulusok ang Lady Stags.
Samantala, sa inisyal na hamon, dudurugin ng Lady Tams ang naghahangad na Lady Stingers para ipwersa ang ikalawang panalo sa single round phase ng torneong hatid ng Shakey’s Pizza.
Sa kabilang banda, pumoste ng 25-6, 25-19, 25-19 iskor ang UST matapos paluhurin ang University of San Jose Recoletos para siguruhin ang playoff sa semis ng ligang suportado ng Accel, Mikasa, Mighty Bond, at OraCare.
Para naman sa SSC, kinakailangang mabantayan ng husto sina Thai import Jaroensri Bualee, Rysabelle Devadenera, Suzanne Roces, Analyn, Joy Benito, Charisse Ancheta at Laurence Latigay sa pagpalo para sa panalo ng tropa ng Adamsonians na inaasahang aarangkada sa pamumuno ni MVP Nerissa Bautista, Paulina Soriano, Rissa Jane Laguilles, Angela Ben-ting, Joanna Carpio at Jill Gustilo. (Sarie Nerine Francisco)