MANILA, Philippines - Gumana ang opensa ng Batangas Bulls sa gitna ng innings upang magapi ang nag-dedepensang Cebu Dolphins, 4-2, at makamit ang ikasiyam na diretsong panalo sa Baseball Philippines Series V kahapon sa Rizal Memorial Baseball Stadium.
Binasag ni Erickson Eguia ang kawalan ng run ng Bulls sa unang tatlong inning sa pamamagitan ng solo homerun laban kay Dolphins starter Sebastian Uichico na siyang nagbigay init sa naunang matamlay na panimula ng koponan.
Tumabla ang Cebu sa kani-lang palo sa top of the fifth inning sa pamamagitan ni Jerome Bacarisas na tumuntong sa base on balls ni Vladimir Eguia, umabante sa fielder’s choice bago narating ang third base at naiskor ang panablang run sa throwing error ni Jessie Natanauan.
Ang Manila Sharks (4-3) na palaban pa sa pangalawang insentibo ay nakikipagtagisan pa sa Dumaguete Unibikers habang isinusulat ang balitang ito.
Isinulong naman ng Alabang Tigers ang kanilang karta sa 3-6 nang mangibabaw sa Taguig Patriots, 16-1, sa unang laro na nauwi sa isang regulated game.