Semis puntirya ng UST
MANILA, Philippines - Siguradong playoff para sa semis ang puntirya ngayon ng nangungunang University of Santo Tomas sa pakikipagsalpukan nito sa nangungulelat na University of San Jose Recoletos sa pang-alas kwatrong laban ng sixth Shakey’s V-League sa The Arena, San Juan City.
Matapos payukurin ang title contenders na Far Eastern University at Adamson, aasintahin ng Lady Tigress ang panalo kontra Cebu based squad para masikwat ang unang puwesto sa semis at mapalawig ang tsansa sa kampeonato.
Uhaw sa panalo, nagmistulang bali ang pakpak ng Lady Falcons makaraang matengga sa huling pwesto na wala pang naitatalang panalo.
Matapos maigupo ng UST sa 4 set loss, inaasahang babawi ang Adamson sa engkwentro nito sa USLS-Bacolod sa pagbubukas ng laro nga-yong alas-dos ng hapon.
Ang five hit output na produksyon ni Rissa Jane Laguilles ay hindi sumapat para itapat sa solidong net defense ng nagmamalaking Tigers.
Sa tulong nina MVP Nerissa Bautista, Jill Gustilo, Angela Benting, Paulina Soriano at Joana Carpio, maghihiganti ang Falcons para makaisa sa single round phase ng torneong suportado ng Accel, Mikasa, Cherifer, Mighty Bond at OraCare.
Lugmok man sa three match set kontra San Sebastian, paiigtingin ng tropa ang opensa sa pamumuno nina Kay Aplasca, Sheryl Denila, Shane Celis, Loberich Ablasca, at Floradele Dolar.
Gayunpaman, hindi papapigil ang bumubulusok na Lady Stags na palakasin ang pwersa nina guest players Jovelyn Gonzaga at Patty Orendain upang isulong ang kampanya sa ligang hatid ng Shakey’s Pizza.
Para sa UST, hindi padadaig ang subok na performance ng mga pambato ng USTe na sina Michelle Carolino, Mary Jean Balse at mainstays Rhea Dimaculangan, Maika Ortiz, Bernice Co, Judy Anne Caballejo, Hanah Mance at skipper Aiza Maizo para makamit ang ninanais na liderato.
Sa kabilang banda, kinakailangang maging matindi ang pagpalo ng bataan ni USJR coach Grace Antigua para masugpo ang kalaban at makaabante sa two game skid at mapanatili ang tiket sa semis. (Sarie Nerine Francisco)
- Latest
- Trending