Orcolllo nagparamdam na: Gallego, Luat wagi rin

LIPA CITY, Philippines – Bumangon ang bagong International 10-Ball champion na si Dennis Orcollo mula sa tatlong racks na pagkakabaon upang igupo si Jharome Peña, 9-7, at pangunahan ang mga early winners sa The Manny Villar Cup Calabarzon leg, na nagsimula kahapon sa SM City Mall dito.

Masama ang break ni Orcollo sa kaagahan ng laban kaya nakauna si Peña sa, 4-7 kaya na-pilitang maghabol si Orcollo.

“I know Jharome very well and I respect his game. I just kept my composure when I was down and luckily I got some opportunities late in the match and I immediately grabbed them,” wika ng 30-gulang na produkto ng Bislig, Surigao del Sur . Kinuha ni Orcollo ang sumunod na apat na racks upang lamangan si Peña, 8-7, at nakuha niya ang momentum ng nagmintis ang huli sa napakadaling tira sa black-8 sa 16th frame. Tinapos ni Orcollo ang laban upang makapasok sa Last 16 ng prestihiyosong  island-hopping series na hatid ng Villards: Tulong sa Pagsulong ng Philippine Sports ni Senator Manny B. Villar.

“Just like what I’ve said, this Villar Cup is a very tough tournament that you always have to be at your best – and be lucky – to win it,” dagdag ni Orcollo.

Pumasok din sa susunod na round sina 2009 Japan Open champion at Villards Bulacan leg winner Ramil Gallego, Antonio Lining, Elmer Haya at Rodolfo Luat.

Tinalo ni Gallego si Dondon Razalan, 9-4, at iginupo ni Japan-based Lining si William Millares, 9-6, naungusan ni Haya si Richard Pornelosa, 9-8. Sinibak ni Luat si Mirando Mariño, isang local qualifier mula sa Lopez, Quezon, 9-1.

May kabuuang 32 players ang naglalaban-laban sa ikawalong leg ng eighth series na ito na  co-organized ng Billiards Managers and Players Association of the Philippines (BMPAP) at hatid ng Camella Communities at kinilala ng Billiards and Snooker Congress of the Philippines.

Ang iba pang kalahok ay sina Efren “Bata” Reyes, Francisco “Django” Bustamante, Ronnie Alcano, Gandy Valle, Rodolfo Luat at Warren Kiamco.

Sa opening ceremony, malugod na tinanggap ni Senator Manny B. Villar ang legendary Filipino cue artist na si Jose “Amang” Parica bilang bagong miyembro ng Team Villards. (Mae Balbuena)


Show comments