Padyak Pinoy balik Tour ng Pilipinas sa 2010
MANILA, Philippines – Muling ikakalat sa 18 yugto sa loob ng 21 araw ang Padyak Pinoy sa Luzon at Mindanao sa susunod na taon.
Ito ang magkatuwang na inihayag nina Air21 chairman Bert Lina at Smart-PLDT head Manny V. Pangilinan sa pagdalaw ni Padyak Pinoy 2009 Tour of champions individual titlist Joel Calderon at ang kanyang Smart Buddy teammates sa PLDT office sa Makati City.
“We are going nationwide to make the Padyak Pinoy truly the ‘Tour’ of the Philippines,” ani Lina, kasalukuyang chairman emeritus ng UCI-recognized PhilCycling.
Si Lina ang nagbalik ng Tour noong 2002 makaraang ang apat na taong pagkawala. Ang Philip Morris sa pamamagitan ng Marlboro ang isponsor ng multi-stage cycling race hanggang 1998 nang lumabas ang global anti-tobacco regulations na nagbabawal sa paga-advertise ng sigarilyo.
At ang bagong pagmamahal ni Pangilinan sa cycing ang nagresulta ng kanyang pagsuporta para maibalik muli ang summer spectacle sa susunod na tag-araw.
“When I was a kid, I was animated by the Tour of Luzon,” wika ni Pangilinan, ang kinikilalang ‘ninong’ ng basketball, boxing, badminton,at taekwondo.
“And I believe cycling is one sport that is best for Filipinos. We don’t need six-footers here,” dagdag niya.
Isang long term goal kung saan nakikita ni Pangilinan ang paglahok ng Philippine team sa ‘Tour de France’.
“I hope that soon, we will have Filipino cyclists competing in the prestigious Tour de France,” aniya.
Sinabi ni Gary Cayton, head ng tour organizer Dynamic Outsource Solutions, Inc., na naka-takda sa Abril 5-28 sa taong 2010 ang karera.
Samantala, iprinisinta naman ni Pangilinan kay Calderon ang isang bagong Trek road bike na nagkakahalaga ng P100,000 dahil nanghiram lamang ng bisikleta sa kanyang kapatid at pininturahan niya upang magmukhang bago.
Kasama ni Calderon, na isang tricycle driver sa Guimba, Nueva Ecija, ang kanyang mga kakampi na sina Julius Diaz, Joel Duenas, Michael Reyes and Jayson Garillo at coach Neil Barlis, na tumanggap ng cash incentives at bagong Nokia mobile phones mula kay Smart Buddy senior manager Lloyd Dennis Manoloto.
- Latest
- Trending