MANILA, Philippines – Walang ibang daan ang Barangay Ginebra patungo sa awtomatikong semis slot sa 2009 PBA Fiesta Conference kundi ipanalo ang kanilang huling dalawang laro.
Kailangan nilang malusutan ang Coca-Cola at ang Alaska upang samahan ang semifinalist nang sister team na San Miguel Beer.
Sasagupain nila ngayon ang Coca-Cola sa alas-5:00 ng hapon sa Araneta Coliseum.
Naghahabol din ang Tropang Texters sa huling semis ticket at medyo masikip ang kanilang daan.
Kailangan nilang ipanalo ang huling asignatura laban sa Alaska sa ikalawang laro ngayong alas-7:30 ng gabi.
Nakasiguro na ng semis slot ang San Miguel bunga ng kani-lang matayog na 11-2 record.
Nakasunod ang Burger King at Rain Or Shine na tabla sa 8-6 kartada.
Ang Ginebra ay may 7-5 record kasunod ang Talk N Text na may 7-6 karta.
Magbubunga ng three-way-tie sa 8-6 kung mananalo ang Talk N Text sa Alaska at may tsansa silang kalabanin ang Rain Or Shine sa plyoff para sa huling semis slot, na magkakaroon ng kaganapan kung matatalo ang Gin Kings sa kanilang huling asignatura laban sa Aces.
Kaya krusiyal sa Ginebra na manalo ngayon at manalo sa Alaska.
Ang Sta. Lucia at Purefoods ay tabla naman sa 7-7 kartada kasunod ang Coke na may 5-7 record at Alaska na nanganganib sa 4-8 kartada.
Sa wild card phase, may twice to beat advantage ang no. 3 at no. 4 teams laban sa no. 10 at no. 9 teams at knock-out naman ang no. 5 vs 6 at no. 7 vs 8.
Ang surviving teams ay dadaan sa best of three quarterfinals. At ang makakalusot dito ang kakalabanin ng mga semifinalists teams sa best-of-seven series. (Mae Balbuena)