Papuri kay Orcollo isinumite ni Villar sa Senado
MANILA, Philippines – Nagsumite si Senator Manny B. Villar ng Senate Resolution no.1072 na nagbibigay papuri kay dating world no.1 cue artist Dennis Orcollo sa pagkapanalo sa katatapos lamang na 9th Annual Predator International 10-Ball Championship sa Las Vegas, Nevada.
Ikinatuwa ni Villar, ang billiards godfather ng bansa, ang panalo ni Orcollo sa prestihiyosong torneo na isa na namang patunay kung paano magtagumpay ang mga Pinoy sa harap ng mabibigat na hamon.
“By winning the tournament participated by top cue artists from all over the world, Orcollo has once again done the Philippines proud and has shown to the world the spirit of Filipino competitiveness and excellence,” sabi ni Villar na sumalubong kay Orcollo na dumating sa NAIA noong Lunes ng gabi.
Nakopo ni Orcollo, kilala sa tawag na “Robocop”, ang titulo matapos talunin ang 112 topnotch players mula sa buong mundo. Tinalo niya ang kasalukuyang world no.1 at multi-world titlist Ralf Soquet ng Germany, 8-3, sa finals para makopo ang $20,000 top purse na nakataya sa five-day event.
Pinuri din ni Villar ang iba pang Pinoy na lumaban sa torneo na kinabibilangan nina semifinalist Warren Kiamco at Alex Pagulayan, Roberto Gomez, Lee Van Corteza, Rodolfo Luat, Ramil Gallego, Jose “Amang” Parica at Al Lapena.
Sinabi ni Villar na patuloy niyang susuportahan ang billiards, dahil kumbinsido siyang patuloy na magtatagumpay ang mga Pinoy sa sport na ito sa international competitions.
Si Villar ang pangunahing tagapagsuporta ng Philippine billiards at ang kanyang pagtataguyod ng island-hopping Villar Cup series ay nagbigay daan para mas lalong mahasa ang mga Filipino pool players.
Ang Villar Cup ay nagtanghal na ng pitong legs sa mga pangunahing lungsod sa bansa.
Ang susunod na leg ng prestigious island-hopping series ay sa Calabarzon na magsisimula sa Biyernes sa SM City Mall sa Lipa City sa Batangas na lalahukan ng mga pangunahing bilyarista ng bansa sa pamumuno ni Efren “Bata” Reyes.
- Latest
- Trending