Oracle sinorpresa ng Cobra
MANILA, Philippines – Sa unang pagkakataon sa semis, natikman ng nangungunang Oracle Residences ang kamandag ng Cobra Energy Drinkers makaraang tuklawin ang panalo, 92-88 para iusad ang tropa sa finals ng 2009 PBL PG Flex Unity Cup semifinals sa San Juan Gym kahapon.
Sa pinagsama-samang lakas nina Paul Lee, Rudy Lingganay at Patrick Cabahug, nakapaglista ang tatlo ng 10 points mula sa 3 points area para ihabol ang panalo at iabante ang Warriors sa 2-1 baraha.
Dahil sa mababang field goal shooting, sinamantala ng Energy Warriors ang kahinaan ng kalaban para iposte ang 73-61 na bentahe.
Para tapusin ang serye, pinwersa ng Titans na makahabol nang mailapit ang lamang sa 78-79 sa huling 2:19 minutong nalalabi sa pamumuno ni Fil Am Chris Timberlake.
Sa mabilis na pagresponde nina Lingganay at triple ni Cabahug, naapula kaagad ng Cobra ang nag-aalab na kagustuhan ng Oracle na makuha ang three game sweep ng serye.
Asam ng Cobra na mapa-ralisa ang Titans sa ikalawang pagkakataon sa nakatakda nitong paghaharap bukas ng alas kuwatro para ipagtanggol ang tiket sa finals.
“It’s a battle for survival in Game 4 and hopefully we can force a knockout game,” wika ni Cobra head coach Lawrence Chongson.
Buhat sa 26 point performance sa Game 2, umarangkada si Lee ng may 18 points, 7 rebounds, at 4 assists habang ang 15 markers na naitala ni Lingganay ay nagmula sa 3-of 3 mula sa three point range.
Sa ikalawang laro, nagrally ang Pharex mula sa 16 point deficit at hugutin ang 85-76 panalo sa overtime laban sa Licealiz at humakbang papalapit sa kanilang kauna-unahang finals appearance.
Kumana ng 21 puntos 12 rebounds at 9 assists si Chris Ross, na may karamdaman sa unang dalawang laro ng serye, nang kunin ng Bidang Generix ang 2-1 abante sa kanilang sariling serye. (Sarie Francisco)
Cobra 92 - Lee P. 18, Lingganay 15, Acuna 12, Cabahug 12, Reyes 10, Llagas 10, Espiritu 8, Colina 5, Fampulme 2, Lee R. 0, Martinez 0.
Oracle 88 - Timberlake 16, Gaco 16, Fernandez 14, Labagala 10, Wilson 9, Maierhofer 7, Cervantes 6, Asoro 5, Sanga 3, Dedicatoria 2, Knuttel 0, Serios 0, Nocom 0.
Quarterscores: 10-18; 46-40; 68-57; 92-88.
Pharex 85 - Ross 21, Allera 14, Matias 13, Saladaga 10, Canlas 5, Aguilar 2, Faundo 2, Ebuen 2, Melegrito 2, Urbiztondo 2.
Licealiz 76 - Sena 20, Vanlan-dingham 16, Cruz 14, Maconocido 8, Daa 6, Convento 4, Quinday 4, Viray 4, Morial 0, Saguindel 0.
Quarterscores: 21-21; 35-46; 50-62; 73-73; 85-76.
- Latest
- Trending