MANILA, Philippines – Kumolekta ng pinagsamang anim na RBIs (runs-batted-in) ang Cagayan Carabaos catcher na si Nelson Salazar upang pangunahan ang ginawang pagwalis sa dalawang laro nila sa Alabang Tigers sa pagbubukas ng Junior Baseball Philippines nitong nagdaang Sabado’t Linggo.
Hindi napigil si Salazar sa kanyang paghataw at magtala ng tigatlong RBIs sa 6-2, at 7-3, panalo ng Carabaos sa Tigers at pangunahan ang torneong inorganisa ng Community Sports Inc. sa 2-0 karta.
Ang unang RBI ni Salazar ay noong Sabado sa kanilang laban sa Alabang Country Club, ang nagbigay ng unang run sa torneo matapos pumasok ang kasamahang si Aries Oruga.
Nasundan pa ito ng run-double ni Kevin dela Cruz para umiskor si Salazar bago pumasok si Dela Cruz sa single ni Jezreel Rosita para sa 3-0 kalamangan sa second inning na nagtiyak na ng panalo sa Carabaos.
Muling nagharap ang dalawa noong Linggo sa Rizal Memorial Baseball Stadium at naunang lumamang ang Tigers, 3-0, matapos ang first inning.
Humataw ng double si Dio Remollo para mapapasok si Carlos Munos na tumuntong sa base on balls habang sina Remollo at Edward Flores na nakasingle ay magkasunod na umiskor sa dalawang error ni Salazar.
Pero inunti-unti ng Carabaos ang pagtapyas sa kalamangan nang umiskor ng isa sa second inning bago dumalawa sa third inning na tinampukan ng run-double ni Salazar tungo sa tying run ni Tsuyoshi Horibata.
Ibinigay naman ni Dela Cruz ang kalamangan sa Cagayan sa fourth inning sa isang throwing error bago pumutok pa ng dalawang runs ang koponan sa sixth inning sa two-run single ni Salazar.
Nagsosolo naman ang Marikina Indians sa ikalawang puwesto sa 1-0 karta makaraang kunin ang 12-10 panalo sa Quezon City Angels.
Lumamang sa 8-7 ang Angels matapos ang apat na innings pero bumigay si relief pitcher John Pedracio sa bola ng Indians nang mapasukan ng limang runs sa dalawang hits para makalamang sa 12-8.
Ipinasok si Andrei Herrera bilang ikatlong pitcher ng Marikina at tumugon ito sa pagbibigay lamang ng dalawang runs sa huling palo ng Quezon City para maipreserba ang panalo.
Ang ikalawang tagisan ng dalawang koponan nitong Linggo ay na-postpone nang bumuhos ang malakas na ulan sa fourth inning at lamang pa ang Marikina, 6-4.