Orcollo, sasabak uli sa Villar Cup
MANILA, Philippines – Matapos masungkit ang world title, nagbabalik sa bansa si Dennis Orcollo upang magha-ngad naman ng isa pang koronang naging mailap sa kanya.
Susubukan ng newly-crown Predator International 10-Ball champion na masustina ang kanyang mainit na pananalasa sa kanyang paglahok sa Calabarzon leg ng Manny Villar Cup na magsisimula sa SM City Mall sa Lipa City, Batangas.
Ang 30 anyos na dating world no. 1 ay nakasali na sa anim ng pitong yugto ng Villar Cup na ipiniprisinta ng Senator Manny Villar’s Villards: Tulong sa Pagsulong ng Philippine Sports. Ang pinakamaganda niyang naabot ay runner-up kay Gandy Valle sa Cebu leg noong 2008.
At bitbit ang kanyang titulo sa international arena, markado si Orcollo sa liga lalo na’t hindi makakasama ang Isabela leg winner na si Roberto Gomez sa tatlong araw na event na ito na inorganisa ng Billiards Managers and Players Association of the Philippines (BMPAP), at hatid ng Camella Communities na may basbas ng Billiards and Snooker Congress of the Philippines (BSCP).
Si Gomez, na naghari din sa Davao leg ang kauna-unahang double winner sa serye, ay kasalukuyang kumakampanya pa sa Amerika.
Ngunit hindi magiging madali para kay Orcollo ang laban lalo na’t pawang mga beterano rin ang makakasagupa niya tulad ni Efren ‘Bata’ Reyes, dating world champion Ronnie Alcano, 2007 national titlist Lee Van Corteza, at dating leg champions Warren Kiamco (Alabang), Valle (Cebu), Ramil Gallego (Bulacan), Ro-dolfo Luat (Bacolod) at Francisco “Django” Bustamante.
Sa mga batang kalaban naman inaasahang magbibigay din ng maganda laban sina Joven Bustamante, Rene Mar David, Mike Takayama, Michael Feliciano, Ricky Zerna at Egie Geronimo.
- Latest
- Trending