Whoppers nabuhayan ng tsansa sa outright semis
MANILA, Philippines - Bukod sa kontribusyon ng mga role players na sina Egay Billones, Aaron Aban, Erick Rodriguez at Mark Yee, nakatulong rin sa panalo ng Burger King ang pag-upo ni James Yap ng Purefoods sanhi ng lagnat.
Nakakolekta ng pinagsamang 34 puntos kina Billones, Aban, Rodriguez at Yee, iginupo ng Whoppers ang Giants, 96-86, sa classification phase ng 2009 PBA Fiesta Conference kahapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Binuhay ng Burger King ang kanilang pag-asa para sa ikalawang outrigth semifinals berth mula sa kartada nilang 8-6 katabla ang Rain or Shine sa ilalim ng semifinalist San Miguel (10-2) kasunod ang nagde depensang Barangay Ginebra (7-5), Sta. Lucia (7-6), Talk ‘N Text (7-6), Purefoods (7-7), Coca-Cola (5-7), Alaska (4-8) at Barako Bull (2-12).
“Malaking bagay sa panalo namin `yung pagkawala ni James,” wika ni Arwind Santos, umiskor ng 21 marka para pamunuan ang Whoppers, kay Yap na naupo lamang sa bench ng Giants. “Alam naman nating kung ano ang nagagawa niya sa Purefoods.”
Ang kabiguan ng Giants ang naghulog sa kanila sa wildcard round kung saan magbibitbit ng ‘twice-to-beat’ advantage ang No. 3 at 4 teams na sasagupa sa No. 10 at 9, ayon sa pagkakasunod, habang magiging isang knockout naman ang laro ng No. 5 at 6 at No. 7 at 8.
Ang mga wildcard survivors ang maghaharap sa isang best-of-3 quarterfinals series patungo sa semifinals.
Mula sa 7-2 abante, pinalaki ng Burger King ang kanilang bentahe sa 12 puntos, 23-11 buhat sa three-point shot ni Santos sa 1:33 nito bago nakadikit ang Purefoods sa halftime, 42-51.
Matapos kunin ng Whoppers ang 60-50 lamang sa gitna ng third quarter, isang 12-6 bomba naman ang inihulog ng Giants sa pagbibida nina import Marquin Chandler, Kerby Raymundo at Rico Villanueva para sa kanilang 62-66 agwat kasunod ang tatlong magkahiwalay na tres nina Billones at Aban para ipadyak ng Whoppers sa 75-64 ang kanilang abante sa 10:38 ng final canto.
Isang 3-point play ni Raymundo kay Wynne Arboleda ang muling naglapit sa Purefoods sa 82-87 sa 3:50 ng laro, habang isang undergoal stab ni Gary David at tres ni Santos ang naglayo sa Burger King sa 92-82 sa huling 2:30.
Tumipa si Aban ng 12 puntos para sa Whoppers kasunod ang 10 ni import Shawn Daniels at tig-9 nina Billones at Arboleda.
Pinangunahan naman ni Chandler ang Giants, nasa isang three-game losing slump nga yon, mula sa kanyang game-high 26 marka sa itaas ng tig-15 nina PJ Simon at Villanueva, 12 ni Raymundo at 10 ni Roger Yap. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending