MANILA, Philippines - Tinalo ng Smart Gilas Pilipinas basketball team ang Kuwaiti league champions Al Oadsia, 98-93, para pormal na angkinin ang isang quarterfinal spot sa 20th FIBA Asia Champions Cup kamakalawa sa Jakarta, Indonesia.
Ikinasa ng Nationals ang 3-1 record para sumegunda sa Group A matapos ang elimination round sa ilalim ng 4-0 baraha ng Mahram ng Iran.
Makakasagupa ng “Gilas Pilipinas” ang Al Arabi ng Qatar sa quarterfinals patungo sa semifinals.
Laban sa Al Oadsia, naglaro ang koponan ni Serbian coach Rajko Toroman na wala sina Chris Tiu at import CJ Giles ngunit nagawa pa ring manalo.
“Their defense surprised us in the first two quarters,” wika ni Toroman. “And it took us time to rework our tactics, especially in the absence of Chris Tiu and CJ Giles.”
Naiwanan ang “Gilas Pilipinas” sa first period, 16-31, hanggang makabangon sa 69-76 agwat sa final canto.
“Even when I took the final time-out my message to the players was ‘we can either die like warriors or die like chickens.’ I’m proud my boys came out warriors,” wika ni Toroman.
Pinamunuan nina La Salle gunner JV Casio at Marnel Baracael ang RP Team mula sa kanilang 21 at 19 puntos, ayon sa pagkakasunod at ang 16 ni Dylan Ababou.