Bulls mas mabangis sa Sharks
MANILA, Philippines – Ipinamalas ng Batangas Bulls ang pinakamabangis na porma nang ilampaso nila ang Manila Sharks, 17-1, sa pagpapatuloy ng Baseball Philippines Series V kahapon sa Rizal Memorial Baseball Stadium.
Ito ang ikapitong sunod na panalo ng Bulls sa liga at ang laro nga ang kauna-unahang regula-ted game sa series na inorganisa ng Community Sports Inc.
Lumabas uli ang bangis ng pitchers ng Batangas nang magsanib lamang ng four hitter at one run sina Vladimir Eguia at Randy De Leon habang ang kanilang hitters ay nagpiyesta sa apat na pitchers na ginamit ng Sharks.
May 17 hits ang kinuha ng Bulls sa laro at 11 rito ay ginawa sa fifth inning na kung saan umiskor ng 13 runs ang koponan para ikasa ang one-sided panalo.
Si Vio Roxas ay humataw ng lead-off homerun upang pasiklabin ang mainit na opensa ng Bulls sa inning.
Mayroon pang run-double si Roxas sa ikalawang tungtong sa batters plate sa inning habang sina Teddy Landicho, Junifer Pinero, pinch hitter Romar Landicho ay nagpasok pa ng tig-dalawang runs para katampukan ang paglayo ng Bulls sa Sharks.
Sa seventh inning lamang nakaiskor ang Sharks sa pamamagitan ng single ni Adel Lozada laban kay De Leon upang makaiskor si Rommel Roja na tumungtong sa plate sa isang error.
Ang 13-runs ang lalabas na pinakamaraming runs sa isang inning sa Series V upang ipalasap sa Shakrs ang ikalawang kabiguan sa apat na laro.
Tinuhog naman ng Dumaguete ang ikatlong sunod na panalo matapos ang dalawang dikit na kabiguan sa pamamagitan ng 13-10 panalo sa Taguig sa isa pang laro.
Siyam na runs ang iniskor ng Unibikers mula sa fourth inning upang makaahon buhat sa 4-5 paghahabol matapos ang tatlong inning at ipalasap sa Patriots ang ikapitong sunod na kabiguan.
Samantala, kinuha naman ng Cebu ang unang panalo sa Junior Baseball Philippines sa pamamagitan ng 9-3 panalo sa Alabang na nilaro sa Alabang Country Club sa Muntinlupa.
Pumutok ang batters ng Cebu sa ginawang 17 hits habang walang naitalang errors ang kanilang depensa upang katampukan ang paghablot ng unang panalo sa apat na koponang liga.
- Latest
- Trending