3 Pinoy sa 10-Ball semis

MANILA, Philippines – Pinabagsak ni former world no.1 Dennis Orcollo si top US pro Charlie Williams, 11-6, sa quarterfinals upang itakda ang  Final Four showdown laban sa kababayang si Warren Kiamco sa 9th Annual Predator International 10-Ball Championship na ginaganap sa Riviera Hotel and Casino sa Las Vegas, Nevada.

Mahigpit na nakipaglaban si Orcollo, nakapasok sa knockout stage sa one-loss side, kontra kay Williams para makalapit sa  $20,000 top prize na nakataya sa event na inorganisa ng Dragon Promotions at hatid ng JBETpoker.net.

Ang 30-gulang na pambato ng star-studded Bugsy Promotions ni businessman Perry Mariano ang naghubad ng korona kay defending champion Tony Drago ng Malta, 10-6, sa simula ng KO phase. Sinundan niya ito ng isa pang 10-panalo sa kababayang si Rodolfo Luat sa Last 16.

Nakalusot naman si former world champion Alex Pagulayan kay Englishman Karl Boyes, 11-9, para maging ikatlong Pinoy sa  semifinals ng $86,000 event na ito.

Makakalaban ni Pagulayan ang kapwa former world champion na si Ralf Souquet ng Germany, nanalo ng kanyang quarterfinals match kay one-time world titlist Johnny Archer ng United States, 11-3.

Sina Orcollo, Pagulayan at Kiamco ay miyembro ng Billiards Managers and Players Association of the Philippines (BMPAP) at Team Villards ni Senator Manny Villar.

Ang panalo ay ikaapat na sunod ni Orcollo matapos malaglag sa losers’ bracket sa qualification phase.

Tinalo niya si American Jeremy Sossei, 10-2, para makapasok sa money round via backdoor.


Show comments