Malinis na marka itataya ng Bulls
MANILA, Philippines - Makikilatis ngayon ang tikas ng nangungunang Batangas Bulls sa pakikipagharap nila sa Manila sa pagpapatuloy ng Baseball Philippines Series V sa Rizal Memorial Baseball Stadium.
Ipaparada ng Bulls ang malinis na 6-0 karta sa Shark sa unang laro ganap na ika-7 ng umaga.
Tiyak na makakatikim ng magandang laban ang Series III champions dahil kinakikitaan din ng gilas ang Sharks na ngayon ay nasa ikalawang puwesto sa 4-1 karta.
Tagisan ng mga mahuhusay na pitchers ang nasabing aksyon at ang Bulls ay may ipinagmamalaking sina Vladimir Eguia at Romeo Jasmin na itatapat naman sa tambalang Joseph Albindo at Charlie Labrador.
Pupuntiryahin naman ng Dumaguete Unibikers ang ikatlong sunod na panalo matapos ang dalawang dikit na kabiguan sa ligang inorganisa ng Community Sports Inc. sa pagharap sa wala pang panalong Taguig sa pangalawang sagupaan dakong alas-10:30.
Tampok din sa araw na ito ang pagsisimula ng aksyon sa Junior Baseball Philippines at ang apat na koponang kalahok ay magpapakitang-gilas agad.
Makikipagtuos naman ang Makirina sa Quezon City sa huling laro ng triple header sa Rizal Ballpark dakong alas-2:00 ng hapon habang ang Alabang ay sasalang sa isang double header game sa Alabang Country Club.
Unang makakalaban ng Alabang ang Cebu ganap na ika-10:30 ng umaga bago sundan ng tagisan nila ng Cagayan dakong alas-2 ng hapon.
Ang format ng Junior Baseball Philippines ay double round robin at ang mangungunang dalawang koponan ang magtatagisan sa best of three finals.
- Latest
- Trending