Calderon, kampeon sa Padyak Pinoy
BAGUIO, Philippines – Nakipagsabwatan sa kapwa niya Novo Ecijano, naidepensa ni Joel Calderon ang hawak na “MVP” yellow jersey sa final stage ng 2009 Padyak Pinoy Tour of Champions, at kumpletuhin ang matagumpay na sakay sa taunang summer bikathon.
Ang inaasahang climatic finish ay naging isang victory ride na lamang para kay Calderon kung saan hindi bumitiw sa kanyang tabi ang mga kababayang sina Eric Feliciano, Oscar Rindole at Bernard Luzon na hatak-hatak siya sa finish line ng walang kalaban.
Naglunsad ng atake si Baler Ravina sa huling 51 kilometro, at maghari sa parusang Baguio-to-Baguio para sa ikalawang beses sa buwang ito.
Nakopo ni Ravina, nagwagi din sa nasabing stage ng Liquigaz Tour of Luzon, ang King of the Mountain na kasama ng kanyang fifth place na tinapos sa overall individual championship.
Maliban kay Irish Valenzuela, wala pang ibang title contenders ang humamon kay Calderon.
Malaking konsolasyon na lamang kay Lloyd Reynante ay ang panalo ng kanyang American Vinyl team sa team championship. Pumangalawa naman ang UBE Media team, ni Rindole, kasunod ng Tanduay, Columbia Sportswear, Smart Buddy, Burger King, Gin Kapitan, Wow Magic Sing, Air2100, U-Freight, Go 21, Cargohaus, Solarlina at Navray.
Gumawa ng pagsulong si Valenzuela, ang Bicolanong naninirahan sa Pangasinan, sa unang akyat ng Baguio via Naguillan at kumawala sa tulong ni Julius Diaz.
Ngunit nawala din si Diaz at naiwan si Valenzuela na nagsosolo sa loob ng ilang oras at maging siya mismo ay nawala makaraang dumaan sa Lion’s head sa Kennon road.
Pumangatlo naman kasunod nina Calderon at Reynante si Felciano na sinundan nina Rindole, Ravina, Ronnel Hualda, Valenzuela, Santy Barnachea, Renato Sembrano at Warren Davadilla.
- Latest
- Trending