Outright semis nasungkit ng San Miguel
MANILA, Philippines - Nakahugot ng game-high 33 puntos kay import Gabe Freeman at 14 kay two-time Most Valuable Player Danny Ildefonso sa fourth quarter, pormal nang pinitas ng San Miguel ang minimithi nilang unang outright semifinals ticket.
Bumangon buhat sa isang 12-point deficit sa first half, iginupo ng Beermen ang nanghihinang Barako Bull Energy Boosters, 99-92, sa classification phase ng 2009 PBA Fiesta Conference kahapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Ito ang unang outright semis berth ng San Miguel, may 10-2 rekord ngayon kasunod ang Rain or Shine (8-5), nagdedepensang Barangay Ginebra (7-5), Purefoods Tender Juicy (7-6), Talk 'N Text (7-6), Burger King (7-6), Sta. Lucia (7-6), Coca-Cola (4-7), Alaska (4-8) at Barako Bull (2-12), matapos noong 2006-07 Philippine Cup.
Mula sa 40-52 agwat sa halftime, sumandig ang Beermen kina Freeman, Dondon Hontiveros at Dorian Peña para kunin ang 64-62 lamang sa 4:03 ng third quarter patungo sa 90-84 abante sa 4:17 ng final canto.
Huling nakadikit ang Energy Boosters, nahulog sa isang eight-game losing skid ngayon, sa 89-90 sa likod nina import Daryan Selvy, Jojo Duncil at Mike Hrabak sa 3:07 nito.
Tatlong freethrows at follow-up ni Freeman galing sa mintis na jumper ni Ildefonso ang nagbigay sa San Miguel ng 95-89 bentahe sa huling 1:10 ng laro.
Umiskor si Selvy ng 32 marka para pangunahan ang Barako Bull, uupo bilang No. 10 sa wildcard phase kontra sa pupuwesto sa No. 3 na may bitbit na 'twice-to-beat' advantage.
Samantala, palalakasin naman ng Gin Kings ang kanilang pag-asa sa isang playoff para sa outright semis berth sa pakikipagharap sa Aces ngayong alas-5 ng hapon sa Albay Astrodome sa Legazpi City.
Ikinasa ng Gin Kings ang kanilang pang anim na sunod na arangkada makaraang talunin ang Giants, 116-109, noong nakaraang Linggo. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending