MANILA, Philippines – Nagtala ng tatlong sunod na panalo sina dating world champion Alex Pagulayan at reigning Villar Cup titleholder Roberto Gomez kahapon upang makapasok sa knockout stage ng 9th Annual Predator International 10-Ball Championship na ginaganap sa Riviera Hotel and Casino sa Las Vegas, Nevada.
Ipinagpatuloy ni Pagulayan ang kanyang pananalasa nang kanyang paluhurin si veteran internationalist Mike Davis, 10-3, at dinimolisa naman ni Gomez si Charlie Bryant, 10-1 para makasama sa Last 32 via the winners’ bracket sa prestihiyosong event na ito na hatid ng Dragon Promotions.
Naunang tinalo ni Pagulayan sina Melissa Little (10-3) at Kurt Kobayashi, habang ang dalawang panalo ni Gomez ay kina Matt Krah (10-0) at Max Eberle (10-2), na nag-usad sa kanila sa susunod na round na may $20,000 gantimpala.
Nanalo rin si dating Villar Cup leg winner Warren Kiamco kay Kim Shaw, 10-3, at sa kababayang si Lee Van Corteza, 10-4.
Hindi naman pinalad si former world no.1 Dennis Orcollo, na nasilat ni Tony Robles, 10-6, kaya nalaglag ito sa losers’ bracket, at sinamahan niya sina Rodolfo Luat, Ramil Gallego, Jose “Amang” Parica, Santos Sambajon, Al Lapena at Corteza.
Tinalo ni Orcollo, si Allen Hopkin, 10-2,sa second round, at kailangan niyang manalo sa kanyang isa pang laban para makapasok sa KO phase.
Nalaglag si Luat sa one-loss side matapos ang10-8 pagkatalo kay Manuel Gamma ng Portuga sa second round, at natalo si Gallego sa kanyang opening match kay Japanese Hiroshi Takenaka, 10-5 ngunit nanalo kay Sam Wilkie 10-8 kaya may pag-asa pa ito.
Samantala sinabi nina Orcollo, Kiamco at former double world champion Ronnie Alcano na hindi sila lalaro sa Philippine 10-Ball Open tulad ng mga nasa balita.