MANILA, Philippines – Matapos agawin ang International Boxing Fe-deration (IBF) light flyweight crown ni Mexican Ulises “Archie” Solis, target naman ngayon ni Brian “Hawaiian Punch” Viloria ang suot na World Boxing Organization (WBO) belt ni Ivan Calderon ng Puerto Rico.
Ang naturang unification fight laban sa 34-anyos na si Calderon, may 32-0-0 win-loss-draw ring record kasama ang 6 KOs, ang siyang susunod na hakbang na gustong gawin ng 28-anyos na si Viloria (25-2-0, 15 KOs).
“I’d like to hopefully get a couple of more unification matches if I end up being successful against Calderon and I can go from there,” wika kahapon ni Viloria sa panayam ng Boxingscene.com mula sa Hawaii.
Ngunit bago si Viloria, haharapin muna ni Calderon si Filipino challenger Rodel Mayol (25-3-0 (19 KOs) sa Hunyo 16 sa Madison Square Garden sa New York.
Tinalo ni Viloria si Solis via 11th-round TKO noong Abril sa Araneta Coliseum para agawin sa Mexican ang dating hawak nitong IBF light fyweight belt.
Isang title defense ni Viloria para sa kanyang suot na IBF light flyweight crown sa Agosto 22 sa San Francisco ang inaayos ng Top Rank Promotions. (Russell Cadayona)